Matagumpay na naisakatuparan ngayong ika-26 ng Marso ang Inauguration at Turnover Ceremony ng 10.04 kilometrong Climate-Resilient Concreting ng Sta. Monica–Sto. Niño–Manato Station Farm-to-Market Road (FMR) sa ilalim ng Department of Agriculture – Philippine Rural Development Project (DA-PRDP).
Ang nasabing proyekto ay itinayo upang mapabuti ang akses ng mga magsasaka at mamamayan sa mas maayos at matibay na kalsada. Inaasahang magpapabilis ito sa transportasyon ng mga produktong agrikultural at magpapalakas sa lokal na ekonomiya ng bayan at mga karatig lugar.
Ang naturang farm-to-market road ay nagdurugtong sa mga barangay ng Sta. Monica, Sto. Niño, San Roque at Manato Station at nag-uugnay sa mga pangunahing kalsada tulad ng Maharlika at Quirino Highways, na magsisilbing mahalagang daan para sa pagdadala ng mga produktong agrikultural patungo sa mga pamilihan sa Lungsod ng Lucena, Metro Manila, at iba pang kalapit na lalawigan.
Idinisenyo rin ang proyekto bilang climate-resilient infrastructure, na may kakayahang tumagal ng mahabang panahon at makayanan ang epekto ng matitinding kondisyon ng panahon, upang matiyak ang tuloy-tuloy na serbisyo nito sa komunidad.
Dinaluhan ni Governor Doktora Helen Tan ang seremonya upang ipakita ang kanyang suporta sa proyekto. Sa kanyang mensahe, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng wastong pangangalaga sa bagong kalsada upang mapanatili ang kalidad at pakinabang nito para sa mga susunod pang taon.
Kasabay nito, pinaalalahanan din ng gobernador ang mga biyahero, lalo na ang mga motorista, na pairalin ang disiplina at pag-iingat sa paggamit ng kalsada upang maiwasan ang aksidente.
Hinimok din niya ang mga barangay na saklaw ng proyekto na magpatupad ng mga konkretong hakbang upang matiyak ang kaligtasan ng lahat ng gumagamit ng nasabing daan.
Sa pamamagitan ng proyektong ito, inaasahang mas mapapadali ang pagbiyahe ng mga magsasaka, mapapababa ang gastos sa transportasyon, at higit pang mapalalakas ang sektor ng agrikultura sa bayan ng Tagkawayan at sa lalawigan ng Quezon.
