Naging matagumpay ang isinagawang pagpupulong ng Cacao Provincial Federation kung saan nagtipon ang 30 pangulo ng iba’t ibang samahan ng cacao mula sa iba’t ibang bayan ng lalawigan ng Quezon upang talakayin ang mahahalagang hakbang para sa patuloy na pagpapalakas ng industriya ng cacao sa lalawigan.
Sa nasabing pagpupulong, inilahad ang iba’t ibang mahahalagang usapin kabilang ang commitment ng mga cacao stakeholders sa pagpapatupad ng Cacao Roadmap 2026–2030, na naglalayong mapalawak ang produksyon, mapabuti ang kalidad ng cacao, at mapataas ang kita ng mga magsasaka at kooperatiba sa lalawigan.
Pinag-usapan din ang paghahanda ng mga kalahok para sa nalalapit na Calabarzon Cacao Quality Award, isang patimpalak na nagbibigay pagkilala sa mga dekalidad na produktong cacao mula sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon. Layunin ng paghahandang ito na higit pang mapahusay ang kalidad ng lokal na cacao upang maging mas kompetitibo sa merkado.
Matapos ang pagpupulong, sinundan naman ito ng taunang asembliya ng SICAP Quezon Agriculture Cooperative na nakatuon sa pagpapalakas ng merkado para sa kanilang mga produktong agrikultural, partikular na ang cacao at mga produktong kaugnay nito.
Nag-iwan naman ng positibong pananaw sa mga kasapi ang naturang aktibidad dahil sa ipinakitang aktibong pagtutulungan at kooperasyon ng lahat ng bumubuo sa organisasyon.
Inaasahan na sa pamamagitan ng patuloy na pagkakaisa at suporta ng mga stakeholder, lalo pang uunlad ang industriya ng cacao sa lalawigan ng Quezon.
