Personal na nagtungo sa bayan ng Patnanungan sina Quezon Police Provincial Office (QPPO) Director PCOL Romulo A. Albacea at Governor Doktora Helen Tan upang kilalanin at bigyang parangal ang isang concerned citizen na nakadiskubre ng mahigit ₱16.7 milyong halaga ng hinihinalang cocaine sa baybayin ng Brgy. Busdak sa nasabing bayan.
Batay sa ulat ng pulisya, noong Abril 3, 2026, natagpuan ng isang residente sa dalampasigan ang tatlong tape-sealed na plastic bag na naglalaman ng puting crystalline substance. Agad itong iniulat sa mga awtoridad at isinailalim sa forensic examination.
Kinumpirma ng Quezon Provincial Forensic Unit na ang nasabing substance ay Cocaine Hydrochloride na may kabuuang timbang na 3,154.45 gramo, na tinatayang nagkakahalaga ng higit ₱16.7 milyon sa ilegal na merkado.
Pinuri ni PCOL Albacea ang katapatan at responsableng pagkilos ng mamamayan na agad na nagsauli ng natagpuang kontrabando sa mga awtoridad. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pakikiisa ng publiko sa patuloy na kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga.
Samantala, sa pamamagitan ng Sariling Sikap Program, personal na iginawad ni Governor Tan ang cash incentive na nagkakahalaga ng ₱100,000 bilang pagkilala sa kabutihan at integridad ng naturang mangingisda.
Tiniyak ni Governor Tan ang patuloy na suporta ng pamahalaang panlalawigan sa mga programa at operasyon ng pulisya upang mapanatili ang kaligtasan at kaayusan sa lalawigan.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang masusing imbestigasyon ng QPPO upang matukoy ang pinagmulan ng naturang ilegal na droga at kung paano ito napadpad sa baybayin ng Patnanungan. Ayon sa pulisya, posibleng naanod lamang ito mula sa dagat o bahagi ng mas malaking operasyon ng drug trafficking.
Ang Patnanungan ay isang isla sa silangang bahagi ng Quezon na nakaharap sa Philippine Sea, kaya’t minsan ay nagiging lugar kung saan napapadpad ang mga bagay na naanod mula sa karagatan.
Photo courtesy of Doktora Helen Tan facebook page
