Iginiit ni Mayor L.A. Ruanto na tuloy-tuloy ang pagpapatupad ng disiplina at mga hakbang para mapanatiling malinis, maliwanag, at maayos ang bayan ng Infanta.

Sa kanyang pahayag, nagpasalamat ang alkalde sa mga responsableng mamamayan na patuloy na nakikiisa sa pagpapanatili ng kalinisan sa bayan. 

Ayon kay Mayor Ruanto, malaki na ang ipinagbago ng paligid ng Pamilihang Bayan kumpara noon na aniya’y madilim at marumi.

Kasabay nito, mas pinaigting ng lokal na pamahalaan ang kampanya laban sa mga nagkakalat sa pamamagitan ng mahigpit na pagpaparusa at pagpapatupad ng programang “Tapat Ko, Linis Ko.”

Ipinaliwanag din ng alkalde kung bakit hindi pinayagan ang mga cedera at perya sa kabayanan ngayong panahon ng pista. 

Ayon sa kanya, unang dahilan dito ay upang maprotektahan ang interes ng mga lehitimong negosyante at tindero sa Infanta, matapos lumabas na karamihan sa mga nais magtinda ay mga dayo at hindi residente ng bayan.

Dagdag pa niya, hindi rin pinahintulutan ang perya sa sentro ng bayan upang maiwasan ang matinding trapiko at mapanatiling maayos ang daloy ng mga sasakyan. Isa rin umano sa layunin nito ang mas maayos na pamamahala sa basura upang hindi magdulot ng pagbara sa mga kanal.

Sa halip, pinayagan lamang ang mga cedera sa labas ng kabayanan, partikular sa lugar na pagtatayuan ng bagong munisipyo.

Nanawagan si Mayor Ruanto ng pang-unawa at pakikiisa ng publiko sa patuloy na mga hakbang ng pamahalaang bayan para sa kaayusan at kaunlaran ng Infanta.

Photos courtesy of L.A. RUANTO

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved