PAGBILAO, Quezon — Dalawang pasahero ang nasawi habang tatlumpu’t anim naman ang nasugatan matapos mahulog sa bangin ang isang pampasaherong bus sa kahabaan ng New Diversion Road sa Sitio Upper Sapinit, Barangay Silangang Malicboy, Pagbilao, Quezon, nitong Lunes ng gabi.
Batay sa ulat ng Pagbilao Municipal Police Station, ang nasabing sasakyan ay isang DLTB Yutong passenger bus na bumiyahe mula Daet, Camarines Norte patungong Cubao, Quezon City.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na nagkaroon ng aberya sa preno ang bus habang binabagtas ang pababang kurbadang bahagi ng national road bandang alas-otso ng gabi. Dahil dito, nawalan ng kontrol ang drayber hanggang sa tuluyang bumulusok ang sasakyan sa tinatayang 10 metrong lalim na bangin.
Dahil sa lakas ng impact, nagtamo ng iba’t ibang pinsala ang mga pasahero at nagtalsikan sa loob ng bus.
Kinilala ang dalawang nasawi na sina Sonny, 34-anyos, residente ng Mercedes, Camarines Norte, at Ian, 31-anyos, residente ng Jose Panganiban, Camarines Norte. Pareho silang idineklarang dead on arrival sa Quezon Medical Center sa Lucena City.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Barangay Rescue Team, Municipal Risk Reduction and Management Office, at Bureau of Fire Protection upang magsagawa ng rescue at retrieval operation.
Natapos ang operasyon bandang alas-dose y medya ng madaling-araw ng Martes, at agad na isinugod sa mga ospital sa Lucena City ang mga nasugatan. Sa pinakahuling ulat, karamihan sa mga biktima ay nakarekober na at handa nang ma-discharge, habang ang ilan ay nananatili pa sa ilalim ng obserbasyon.
Sugatan din ang drayber at kasalukuyang naka-confine sa ospital. Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente, habang inaasahang sasagutin ng kumpanya ng bus ang insurance claims at iba pang kaukulang tulong para sa mga biktima.
Photos courtesy of the Pagbilao Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office.
