Hindi muna itutuloy ngayong taon ang Niyogyugan Festival 2026 sa nakasanayan nitong malakihan at makulay na porma, ayon sa pahayag ni Provincial Tourism Officer Nesler Almagro.

Sa halip, isang mas payak ngunit makabuluhang pagdiriwang na tatawaging LIKHANG Niyogyugan 2026 ang isasagawa sa loob ng tatlong araw.

Ayon kay Almagro, ang mas simpleng pagdiriwang ngayong taon ay alinsunod sa atas ni Governor Doktora Helen Tan na pairalin ang pagtitipid sa gitna ng kinahaharap na krisis ng bansa dulot ng umiiral na tensyon at giyera sa Middle East, na may epekto sa ekonomiya at presyo ng mga pangunahing bilihin.

Gayunman, hindi dapat mangamba ang mga bayan, lungsod, at mga grupong nagsimula nang maghanda para sa taunang selebrasyon dahil hindi masasayang ang kanilang mga naging paghahanda.

Aniya, maituturing itong isang “early head start” para sa mas engrande at mas pinaghusay na Niyogyugan 2027.

Binigyang-diin niya na bagama’t pansamantalang babaguhin ang format ng selebrasyon ngayong taon, nananatili ang layunin nitong maitaguyod ang kultura, sining, turismo, at industriya ng niyog ng lalawigan ng Quezon. 

Ang Niyogyugan Festival ay kilala bilang isa sa pinakamalaking pagdiriwang sa lalawigan at kinikilalang “Mother of All Festivals” sa Quezon, tampok ang mga agri-tourism booth, cultural presentations, at pagpapakita ng mga produktong lokal.  

Dagdag pa ni Almagro, ang pagbabagong ito ay hindi pagtatapos ng taunang tradisyon kundi simula ng mas malaki at mas makulay na pagbabalik sa susunod na taon.

“This is not the end, but the beginning of something greater. See you at a bigger and brighter Niyogyugan 2027,” saad niya.

Sa mga nakalipas na taon, ang Niyogyugan Festival ay nagsilbing pangunahing entablado ng pagkakaisa ng mga bayan at lungsod ng Quezon sa pagdiriwang ng mayamang kultura at pagkilala sa lalawigan bilang puso ng Cocolandia. 

Inaasahang mas paiigtingin ang paghahanda para sa 2027 upang higit na maipakita ang identidad ng Quezon bilang Land of Thousand Colors.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved