Matagumpay na isinagawa kahapon, Abril 27, ang Arteriovenous (AV) Fistula Caravan sa Quezon Provincial Hospital Network–Quezon Medical Center (QPHN–QMC), bilang bahagi ng patuloy na programang pangkalusugan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon.
Ayon sa ulat, tinatayang mahigit 60 pasyente mula sa iba’t ibang bayan ng lalawigan ang nabigyan ng pagkakataong sumailalim sa libreng AV fistula procedure, isang mahalagang medical access na ginagamit para sa mga pasyenteng sumasailalim sa dialysis.
Ang nasabing caravan ay layuning matulungan ang mga Quezonian na may sakit sa bato upang magkaroon ng ligtas at dekalidad na access para sa kanilang regular na gamutan.
Kaugnay nito, nauna nang nagsagawa ang QPHN–QMC ng AV Fistula Screening Caravan noong Abril 15 upang matukoy ang mga pasyenteng nangangailangan ng naturang serbisyo.
Pinangunahan ang programa sa ilalim ng patuloy na paghahatid ng serbisyong medikal ng pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Governor Doktora Helen Tan, na kilala sa pagsusulong ng mga programang pangkalusugan para sa mamamayan ng Quezon.
Samantala, magpapatuloy ang caravan hanggang ngayong Martes, Abril 28, upang mas marami pang pasyente ang mabigyan ng nararapat at dekalidad na serbisyong medikal, lalo na ang mga nangangailangan ng agarang paghahanda para sa kanilang dialysis treatment.
Patuloy namang pinagtitibay ng QPHN–QMC ang kanilang adhikain na maghatid ng serbisyong tunay at natural para sa bawat Quezonian, kasabay ng pagpapalawak ng access sa mga espesyal na serbisyong medikal sa lalawigan.
Photos courtesy of the Provincial Government of Quezon
