Pormal nang nilagdaan nitong Mayo 12, 2026 ang Memorandum of Agreement (MOA) para sa pagpapatupad ng research project na “Anthelmintic Resistance in Southeast Asia (AHR-SEA): Implications for Control and Elimination of Intestinal Helminths” sa pagitan ng University of the Philippines – Los Baños (UPLB), Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon, Department of Education (DepEd) – Quezon, at Department of Health (DOH) – CALABARZON.
Layunin ng proyekto na mapalakas ang pananaliksik at mga hakbang laban sa intestinal helminths o mga parasitikong bulate na karaniwang nakaaapekto sa kalusugan ng mga bata at komunidad.
Kabilang sa pag-aaral ang pagsusuri sa antas ng resistance ng mga bulate sa mga gamot o anthelmintic resistance upang mas mapabuti ang disease control at elimination programs sa Southeast Asia.
Ipapatupad ang proyekto sa pamamagitan ng Institute of Biological Sciences ng UPLB sa ilalim ng pamumuno ni Dr. Vachel Gay V. Paller, alinsunod sa naaprubahang research proposal ng unibersidad.
Pinangunahan ni Governor Doktora Helen Tan ang paglagda sa kasunduan kasama sina UPLB Chancellor Jose V. Camacho, Jr., DepEd Schools Division of Quezon Superintendent Rommel C. Bautista, at DOH Center for Health Development CALABARZON Director IV Voltaire S. Guadalupe bilang pagpapakita ng suporta sa mga programang pangkalusugan at pananaliksik para sa kapakanan ng mga Quezonian.
Ayon sa mga katuwang na ahensya, mahalaga ang pagtutulungan ng akademya, lokal na pamahalaan, at national government agencies upang higit pang mapaigting ang health education, disease prevention, at community-based research sa rehiyon ng CALABARZON.
Malaki rin ang inaasahang benepisyo ng proyekto lalo na sa mga mag-aaral at komunidad na kabilang sa mga vulnerable sector, kasabay ng patuloy na kampanya laban sa mga sakit na dulot ng poor sanitation at parasitic infections.
Photos courtesy of the Provincial Government of Quezon
