Muling pinatunayan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon ang mahusay at tapat na pamamahala matapos nitong muling makatanggap ng “Unqualified Opinion” mula sa Commission on Audit (COA) kaugnay ng isinagawang 2025 Annual Audit.

Ito na ang ikaapat na pagkakataon na nakamit ng lalawigan ang naturang pagkilala na itinuturing na pinakamataas na audit opinion na ibinibigay ng COA sa mga ahensya at lokal na pamahalaan na nagpapakita ng maayos, wasto, at transparent na paggamit ng pondo ng bayan.

Ayon sa COA, ang pagkakaloob ng “Unqualified Opinion” ay nangangahulugan na ang mga financial statements at transaksyon ng pamahalaan ay sumusunod sa itinakdang accounting standards, laws, at government regulations. Patunay rin ito ng matatag na pagsusulong ng transparency, accountability, at integridad sa serbisyo publiko.

Ipinahayag ng Pamahalaang Panlalawigan na ang tagumpay na ito ay bunga ng sama-samang pagsisikap, dedikasyon, at malasakit ng mga opisyal at kawani ng lalawigan upang matiyak ang maayos na paghahatid ng serbisyo para sa bawat Quezonian.

Sa pahayag ni Governor Doktora Helen Tan, sinabi nitong patuloy na pinatutunayan ng pamahalaang panlalawigan ang tapat na pamamahala at epektibong implementasyon ng mga programa at proyekto sa kabila ng limitadong pondo.

“Patuloy na pinatutunayan ng Pamahalaang Panlalawigan ang tapat na pamamahala at epektibong implementasyon ng mga programa at proyekto para sa bawat Quezonian sa kabila ng limitadong pondo. Bilang pagkilala, mas lalo pang pagbubutihin ang bawat dinadalang serbisyo na naghahatid ng kaunlaran at dekalidad na serbisyo publiko sa Quezon,” pahayag ni Gov. Tan.

Dagdag pa ng pamahalaang panlalawigan, magsisilbing inspirasyon ang naturang pagkilala upang higit pang paigtingin ang mga programang nakatuon sa kapakanan at pag-unlad ng mamamayan ng Quezon.

Photo courtesy of Provincial Government of Quezon

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved