Libre nang makakapagpatingin at makakapagpalinis ng ngipin ang mga miyembro ng PhilHealth sa ilalim ng programang PhilHealth YAKAP o Yaman ng Kalusugan Program.
Kabilang sa mga libreng serbisyong dental ang checkup, dental cleaning o prophylaxis, fluoride application, at sealant na tumutulong upang maiwasan ang pagkabulok ng ngipin.
Ayon sa PhilHealth, layunin ng YAKAP na gawing mas abot-kamay at accessible ang primary healthcare, kabilang na ang pangangalaga sa kalusugan ng bibig bilang bahagi ng pangkalahatang kalusugan ng bawat Pilipino. Kasama rin sa mga benepisyong maaaring ma-avail ang oral screening at iba pang preventive dental procedures.
Kung walang available na dental services sa napiling YAKAP Clinic ng isang miyembro, maaari itong i-refer sa ibang accredited YAKAP Clinic na may kakayahang magbigay ng kinakailangang dental care.
Ayon sa PhilHealth, layunin nitong matiyak na tuloy-tuloy pa rin ang serbisyong pangkalusugan para sa mga benepisyaryo.
Patuloy namang hinihikayat ng PhilHealth ang publiko na samantalahin ang mga libreng serbisyong dental upang maiwasan ang mas malalang sakit na dulot ng hindi wastong pangangalaga sa ngipin at bibig.
