Kinilala ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon ang katapatan at katapangan ng isang mangingisda mula sa bayan ng Patnanungan matapos nitong isuko sa mga awtoridad ang mahigit ₱34 milyong halaga ng hinihinalang cocaine na kanyang nadiskubre sa baybayin ng kanilang lugar.
Kasabay ng isinagawang medical mission noong Mayo 22, personal na pinangunahan ni Doktora Helen Tan ang pagkilala sa naturang mangingisda sa ilalim ng Sariling Sikap Program.
Iginawad ni Governor Tan ang cash incentive bilang pasasalamat sa ipinakita nitong integridad, mabuting kalooban, at pagiging huwaran sa komunidad.
Ayon sa ulat ng Philippine National Police (PNP), ang isinukong ilegal na droga ay binubuo ng limang tape-sealed plastic bags na may timbang na humigit-kumulang 6.5 kilo at tinatayang nagkakahalaga ng ₱34.5 milyon. Isinuko ito ng residente ng Barangay Busdak sa mga awtoridad matapos matagpuan sa baybayin ng Patnanungan. Patuloy naman ang imbestigasyon ng PNP upang matukoy ang pinagmulan ng naturang kontrabando at mga posibleng sangkot sa pagpapakalat nito.
Binigyang-diin ng Pamahalaang Panlalawigan na ang katapatan ay may kaukulang pagkilala at ang mabubuting gawain ng mga mamamayan ay nagsisilbing inspirasyon sa pagpapanatili ng kaayusan at pagsugpo sa ilegal na droga sa lalawigan ng Quezon.
Patuloy ring hinihikayat ng mga awtoridad ang publiko na makipagtulungan sa kampanya laban sa ilegal na droga at agad na iulat ang anumang kahina-hinalang aktibidad sa kanilang komunidad.
