Patunay ng lumalakas na kampanya laban sa malnutrisyon, pasok sa Top 19 finalists ng 2026 Galing Pook Awards ang programang “Tamang Aksyon sa Nutrisyon” ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon sa pamumuno ni Governor Doktora Helen Tan.
Nakuha ng programa ang puwesto sa hanay ng mga natatanging local governance initiatives mula sa humigit-kumulang 200 entries sa buong bansa, bilang pagkilala sa mga makabagong hakbang na naglalayong mapabuti ang nutrisyon at kalusugan ng mga mamamayan.
Inilunsad noong 2022, layunin ng Tamang Aksyon sa Nutrisyon na labanan ang malnutrisyon sa pamamagitan ng pagtutulungan ng iba’t ibang sektor, pagpapalawak ng serbisyong pangnutrisyon, at pagbibigay-prayoridad sa kalusugan ng mga ina, sanggol at bata, lalo na sa unang 1,000 araw ng buhay.
Batay
sa impormasyong inilabas tungkol sa programa, bumaba sa 9.88% noong 2025 ang
kaso ng stunting o pagkabansot sa mga bata, mula sa 17.11% noong 2021. Bumaba
rin sa 4.94% ang prevalence ng underweight o kulang sa timbang, mula sa dating
8.20%.
Kabilang
sa mga layunin ng programa ang pagpapalawak ng access sa masustansyang pagkain,
serbisyong pangkalusugan at edukasyong pangnutrisyon, partikular para sa mga
pamilyang higit na nangangailangan.
Samantala,
pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang seremonya ng pagkilala sa
mga natatanging local government units sa Malacañang noong Miyerkules, Oktubre
21, para sa 2026 Galing Pook Awards na may temang “Islands of Hope: Local
Innovations, National Inspiration.”
Bagama’t
hindi kabilang sa sampung pangunahing nagwagi ang pagiging finalist, kinikilala
ang pagkakasama ng Tamang Aksyon sa Nutrisyon sa Top 19 bilang mahalagang
hakbang sa patuloy na pagsusulong ng mas malusog na komunidad sa lalawigan ng
Quezon.
