Pinangunahan ni Governor Doktora Helen Tan ang Brigada Eskwela 2026 Kick-off Ceremony at inagurasyon ng bagong apat na silid-aralan sa Gumaca National High School nitong Hunyo 2, kung saan binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagkakaisa at pagtutulungan sa pagsusulong ng dekalidad na edukasyon para sa mga kabataang Quezonian.
Sa kanyang mensahe, sinabi ng gobernador na, “ang susi ay balikatan. Magtulungan tayo sa anumang kaya nating gawin… and I believe na sa pagsasamahan natin at balikatan mas kaya natin na malampasan lahat ng ating kakaharapin.”
Isinagawa ang programa sa ilalim ng temang “Bayanihan sa Paaralan: Nagkakaisa para sa Kaayusan at Kaalaman,” na layuning pagsama-samahin ang mga guro, magulang, mag-aaral, lokal na pamahalaan, at iba pang stakeholders upang matiyak na handa, ligtas, at maayos ang mga paaralan bago ang pagbubukas ng klase para sa School Year 2026–2027.
Ang Brigada Eskwela 2026 ng Department of Education ay nakatuon sa pagpapabuti ng pasilidad ng mga paaralan, pagpapalakas ng literacy programs, at paglikha ng mas ligtas at learner-friendly na kapaligiran para sa mga mag-aaral.
Naging makulay ang kick-off ceremony sa pamamagitan ng motorcade at iba’t ibang pagtatanghal na nagbigay-sigla sa mga kalahok.
Kasabay nito, isinagawa rin ang blessing, ribbon-cutting, at inauguration ng bagong typhoon-resilient two-storey school building na may apat na silid-aralan. Inaasahang magbibigay ito ng mas ligtas at mas maayos na pasilidad para sa pag-aaral ng mga mag-aaral ng Gumaca National High School, lalo na sa harap ng mga hamon dulot ng kalamidad at pagbabago ng panahon.
Ayon sa Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon, patuloy nitong isinusulong ang mga programang nagbibigay-prayoridad sa edukasyon at kapakanan ng bawat Quezonian.
Sa pamamagitan ng mga proyektong pang-imprastraktura at pakikipagtulungan sa iba’t ibang sektor, layunin nitong matiyak na may sapat at matatag na pasilidad ang mga paaralan upang suportahan ang pagkatuto at paghubog ng susunod na henerasyon ng mga mamamayan ng lalawigan.
Photos Courtesy of Provincial Government of Quezon
