Nagsama-sama ang mga miyembro ng Lucena City Public and Private Schools Retired Teachers and Employees Association Inc. sa kanilang taunang Education Forum na ginanap nitong Hunyo 11, 2026 sa SM City Lucena Event Center.
Taglay ang temang “Seniors Go Growing and Glowing,” layunin ng pagtitipon na patuloy na mapalawak ang kaalaman, kakayahan, at pakikilahok ng mga retiradong guro at kawani sa mga usaping pang-edukasyon at panlipunan habang tinatamasa ang kanilang buhay pagreretiro.
Tampok sa programa bilang panauhing tagapagsalita si Lorna Dig-Dino, retiradong Undersecretary for Curriculum and Instruction at dating Regional Director ng DepEd CALABARZON. Sa kanyang mensahe, ibinahagi niya ang mahahalagang pananaw hinggil sa patuloy na papel ng mga retiradong guro bilang katuwang sa paghubog ng edukasyon at komunidad kahit matapos ang kanilang aktibong serbisyo sa paaralan.
Nakiisa rin sa nasabing aktibidad si Quezon 2nd District Board Member Doc Kim Tan, na naghatid ng pagbati at pasasalamat sa mga retiradong guro at kawani para sa kanilang mahalagang ambag sa paglinang ng mga mag-aaral at sa pag-unlad ng sektor ng edukasyon sa Lungsod ng Lucena.
Binigyang-diin sa forum ang kahalagahan ng patuloy na pagkatuto, aktibong pamumuhay, at pagkakaisa ng mga senior educators bilang inspirasyon sa kasalukuyan at susunod na henerasyon ng mga guro at mag-aaral.
Ang taunang pagtitipon ay nagsilbing pagkakataon upang muling pagtibayin ang samahan ng mga retired educators at kilalanin ang kanilang hindi matatawarang kontribusyon sa larangan ng edukasyon.
