Mahigpit na hinihikayat ni Governor Doktora Helen Tan ang lahat ng mga magulang at tagapag-alaga na pabakunahan ang kanilang mga anak laban sa tigdas at rubella upang maprotektahan ang mga ito sa mga sakit na maaaring magdulot ng malubhang komplikasyon at maging ng kamatayan.
Bilang pakikiisa sa Measles-Rubella Supplemental Immunization Activity (MR SIA) 2026 ng Department of Health, makikilahok ang Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon sa malawakang libreng pagbabakuna at Vitamin A Supplementation na isasagawa mula Agosto 10 hanggang 28, 2026.
Ang kampanya ay nakalaan para sa lahat ng batang may edad 6 hanggang 59 na buwan, na maaaring magtungo sa mga Rural Health Unit, Health Center, at mga itinalagang fixed at temporary vaccination sites upang makatanggap ng libre, ligtas, at epektibong bakuna laban sa tigdas at rubella, kasabay ng Vitamin A supplementation.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Governor Tan na mapanganib ang tigdas at rubella, lalo na sa mga batang wala pang limang taong gulang.
Aniya, ang tigdas ay maaaring magdulot ng malubhang komplikasyon at maging sanhi ng pagkamatay, habang ang rubella o German measles ay maaaring magdulot ng congenital defects sa mga sanggol kapag nahawahan ang isang buntis, na maaaring humantong sa panghabambuhay na kapansanan.
Hinimok din ng gobernador ang mga magulang na samantalahin ang libreng pagbabakuna, maging ang mga batang nabakunahan na noon o hindi pa, upang magkaroon ng karagdagang proteksyon laban sa naturang mga sakit.
Kasabay nito, nanawagan si Governor Tan sa publiko na maging mapanuri sa mga impormasyong kanilang nababasa at napapanood hinggil sa bakuna.
Pinayuhan niya ang lahat na magtiwala lamang sa mga impormasyon mula sa Department of Health, mga lokal na pamahalaan, at mga healthcare worker, at huwag basta-basta maniwala sa maling impormasyon at fake news.
Ayon sa Department of Health, layunin ng MR SIA 2026 na mapataas ang immunity ng mga batang limang taong gulang pababa laban sa tigdas at rubella upang maiwasan ang pagkalat ng mga sakit at mapanatiling ligtas ang mga komunidad. Kasabay rin nitong isasagawa ang Vitamin A Supplementation upang makatulong sa pagpapalakas ng resistensya at maayos na paglaki ng mga bata.
“Huwag nating hintayin pang magkasakit ang ating mga anak. Siguraduhin silang ligtas laban sa tigdas at rubella,” paalala ni Governor Tan sa lahat ng pamilyang Quezonian.

