Patay ang isang helper habang sugatan naman ang isa pa matapos maipit sa pagitan ng isang self-loading truck at kargang dump truck sa kahabaan ng Quezon Eco-Tourism Road sa Barangay Ibabang Talim, Lungsod ng Lucena City, nitong Hulyo 18.
Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, isinakay sa isang Isuzu self-loading truck ang isang nasirang dump truck na dati nang naaksidente upang dalhin sa Sariaya, Quezon. Habang bumibiyahe, napansin ng dalawang helper na maaaring tumama ang kargang dump truck sa mga overhead electrical wire kaya agad nilang pinatigil ang sasakyan.
Sa paghinto ng truck, biglang lumuwag ang locking mechanism at mga kadena na humahawak sa kargang dump truck dahilan upang umusad ito at maipit ang mga paa ng dalawang helper sa pagitan ng cab ng truck at ng karga. Agad silang isinugod sa Quezon Medical Center ngunit idineklarang dead on arrival ng attending physician ang isa sa mga biktima, habang patuloy namang ginagamot ang isa pa.
Patuloy ang imbestigasyon ng Lucena City Police sa insidente na inisyal na iniulat bilang kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide and Serious Physical Injury.
Samantala, ayon sa pulisya, boluntaryong nagsagawa ng kasunduan ang may-ari ng sasakyan at mga kaanak ng mga biktima bilang bahagi ng naging settlement kaugnay ng insidente.
