Arestado ang 21 katao matapos mahuling nagsasagawa umano ng iligal na pangingisda gamit ang ipinagbabawal na “Buli-Buli” o modified Danish seine sa karagatang sakop ng Balesin Island sa municipal waters ng Polillo, Quezon.

Ayon sa ulat ng Polillo Municipal Police Station sa pamumuno ni Officer-in-Charge Police Captain Jojo J. Pangilinan, nagsagawa ng magkasanib na operasyon ang pulisya at Bantay Dagat kung saan naharang ang isang komersyal na bangkang pangisda na walang rehistro, opisyal na marka, at kulay abo at kahel habang aktibong nangingisda sa nasabing lugar.

Nahaharap ang kapitan ng bangka na si Micheal Ebañes Madera at master fisherman na si Elezar Alerta Tero sa ilang kasong paglabag sa Republic Act No. 8550 o Philippine Fisheries Code of 1998, na inamyendahan ng Republic Act No. 10654. Kabilang sa mga inihahandang reklamo ang pangingisda sa municipal waters nang walang kaukulang awtorisasyon, paggamit ng ipinagbabawal at mapanirang kagamitan sa pangingisda, paglabag sa mga regulasyon sa fishing gear at vessel monitoring, iligal na pagkuha ng yamang-dagat, at operasyon ng sasakyang pandagat nang walang kinakailangang permit at lisensya.

Dahil wala ring rehistro at opisyal na pagkakakilanlan ang bangka, maaari ring maharap ang may-ari nito sa karagdagang administratibo at legal na pananagutan mula sa Maritime Industry Authority (MARINA) at Philippine Coast Guard (PCG) dahil sa paglabag sa mga regulasyon sa pagpaparehistro at kaligtasan ng sasakyang pandagat.

Samantala, ang 19 na tripulante ay sinita dahil sa paglabag sa Municipal Ordinance No. 196-2025 ng Polillo na nagtatakda ng mga patakaran sa pangingisda sa municipal waters. Dinala sila sa Office of the Municipal Treasurer at isinangguni sa Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) ng Polillo para sa kaukulang administratibong proseso at pagpapataw ng multa.

Tinatayang aabot sa ₱3.65 milyon ang kabuuang halaga ng mga nakumpiskang ebidensya. Kabilang dito ang komersyal na bangkang ginamit sa iligal na pangingisda, diesel engine, makina, fishing nets, mga pabigat, iba pang kagamitan, at humigit-kumulang 1,200 kilo ng iba’t ibang uri ng isda na nakalagay sa 48 styrofoam boxes.
Nananatili sa kustodiya ng pulisya sina Madera at Tero habang hinihintay ang inquest proceedings, habang isinailalim naman sa pangangalaga ng MENRO Polillo ang nakumpiskang bangka at mga kagamitan.

Binigyang-diin ni MENRO Polillo Romel Calzado na mahigpit na ipinatutupad ng lokal na pamahalaan ang kampanya laban sa mapanirang uri ng pangingisda upang mapangalagaan ang yamang-dagat at kabuhayan ng mga lehitimong mangingisda.
Ayon kay Calzado, ito na ang ikaanim na “Buli-Buli” vessel na nahuli ng pinagsanib na pwersa ng Bantay Dagat, Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa loob lamang ng mahigit isang taon, bilang patunay ng pinaigting na kampanya laban sa iligal na pangingisda sa bayan ng Polillo.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved