Patay ang dalawang residente ng Barangay Sadsaran, Mauban, Quezon matapos pagsasaksakin sa loob ng kanilang tahanan madaling araw ng Agosto 27, 2026, habang mabilis namang naaresto ng mga awtoridad ang itinuturong suspek sa insidente ng robbery with homicide.
Kinilala ang mga biktima bilang sina alyas “Nelson,” 59-anyos, negosyante, at alyas “Remy,” 48-anyos, secretary, na kapwa residente ng Panganiban Street, Barangay Sadsaran.
Batay sa imbestigasyon ng Mauban Municipal Police Station, dakong alas-5:20 ng madaling araw nang dumating sa bahay ng mga biktima ang kanilang kasambahay na si alyas “Maida” upang gawin ang kanyang pang-araw-araw na trabaho.
Dito umano niya natagpuan si Remy na wala nang buhay sa banyo at nagtamo ng mga saksak sa katawan. Natagpuan naman si Nelson na wala nang buhay sa kanilang silid, na mayroon ding mga sugat na dulot ng pananaksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Iniulat ang insidente sa Mauban Police Station dakong alas-6:55 ng umaga.
Sa karagdagang imbestigasyon, natukoy na nawawala mula sa mga biktima ang isang wallet at isang Samsung cellphone. Hindi pa tukoy ang kabuuang halaga ng mga nawawalang gamit at patuloy itong inaalam ng imbestigador.
Sa isinagawang follow-up investigation ng Mauban MPS, Quezon Police Intelligence Unit (PIU), Quezon Police Intelligence and Detective Management Unit (PIDMU), at 1st Quezon Provincial Mobile Force Company (QPMFC), natukoy ang pagkakakilanlan ng suspek na si alyas “Elmo,” nasa hustong gulang at residente ng Sitio River Control, Barangay Lual Barrio, Mauban.
Malaking tulong sa pagtukoy sa suspek ang impormasyong ibinigay ng isang witness.
Agad namang nagsagawa ng hot-pursuit operation ang joint operating team na nagresulta sa pagkakaaresto kay Elmo sa kanyang tahanan. Nakarekober din sa operasyon ang isang singsing na sinasabing pag-aari ng isa sa mga biktima, isang kutsilyo na umano’y ginamit sa krimen, gayundin ang jacket at pantalon na sinasabing suot ng suspek nang mangyari ang insidente.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya at isinasagawa ang kaukulang proseso para sa pagsasampa ng nararapat na kaso laban sa suspek.
