Mahigit 5,900 mamamayan sa Dolores at Sariaya ang nakinabang sa mga serbisyong pangkalusugan, pang-agrikultura at pangkabuhayan na isinagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon noong Agosto 22 at 23.

Pinakamalaki sa mga serbisyong inilapit sa mga komunidad ang programang “Kalinga sa Mamamayan, Libreng Gamutan,” na nakapaghatid ng libreng serbisyong medikal sa 2,708 benepisyaryo sa Dolores noong Agosto 22 at 3,283 mamamayan sa Sariaya noong Agosto 23.

Kabilang sa mga serbisyong natanggap ng mga benepisyaryo ang libreng konsultasyong medikal, gamot, laboratory services, iba’t ibang pagsusuri at iba pang kinakailangang serbisyong pangkalusugan.
Naglaan din ng tulong ang Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) para sa mga pasyenteng nangangailangan ng karagdagang suporta, kabilang ang financial assistance at Guarantee Letter para sa mga kinakailangang gamot.

Hindi lamang mga tao ang nabigyan ng serbisyo. Nakibahagi rin ang Provincial Veterinarian Office sa pamamagitan ng pagbabakuna, pagkakapon at pagbibigay ng bitamina sa mga alagang hayop.

 

Samantala, kasabay ng medical mission ay isinulong din ang suporta sa sektor ng agrikultura. Pinangunahan ni Governor Doktora Helen Tan, katuwang ang Office of the Provincial Agriculturist (OPA), ang pamamahagi ng agricultural inputs sa mga magsasaka, maggugulay at mangingisda sa Dolores at Sariaya.

Nagsagawa rin ng consultation forum sa pangunguna ni Provincial Agriculturist Dr. Ana Clarissa Mariano upang direktang mapakinggan ang mga pangangailangan, hamon at suliranin ng mga magsasaka at makapaglatag ng mga angkop na hakbang at solusyon para sa kanilang kabuhayan.

Kasabay nito, namahagi rin ang Pamahalaang Panlalawigan ng mga gamot sa ilalim ng programang “Kalinga sa Mamamayan, Libreng Gamot at Nutrisyon para sa Barangay,” na mapapakinabangan ng mga residente.
Personal ding binisita ni Governor Tan ang Encarnacion Farm sa Dolores, isa sa mga naging benepisyaryo ng STEP-UP Entrepreneurship Development Program. Kilala ang naturang farm sa paggawa ng mga lokal na produkto mula sa kanilang taniman.

 

Sa naturang pagbisita, pormal ding binuksan ang bagong tindahan ng farm na inaasahang magsisilbing dagdag na oportunidad para sa pagpapalago ng mga lokal na produkto at kabuhayan.

Katuwang ni Governor Tan sa paghahatid ng mga serbisyo sa naturang mga bayan sina Vice Governor Third Alcala, Bokal Doc Kim Tan at Bokal Vinnette Alcala, mga lokal na pamahalaan, doktor, nurse, medical teams at iba pang kawani ng pamahalaan.

Patuloy na isinusulong ng Pamahalaang Panlalawigan ang paglalapit ng mga serbisyong pangkalusugan, suporta sa agrikultura at mga oportunidad sa kabuhayan sa iba’t ibang komunidad, lalo na sa mga mamamayang may limitadong kakayahang makapagpagamot, makabili ng gamot at mapaunlad ang kanilang kabuhayan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved