Isinusulong ni Cong. Atorni Mike Tan ang House Bill No. 5555 o ang “Tulong Pangkabuhayan para sa mga Mangingisda Program Act,” na naglalayong maglaan ng buwanang income support para sa mga mangingisdang pansamantalang hindi makapalaot dahil sa kalamidad, Habagat, bagyo at closed fishing season.

Sa ilalim ng panukala, ang bawat kwalipikadong mangingisda ay maaaring tumanggap ng Tulong Pangkabuhayan voucher na hindi bababa sa ₱3,000 kada buwan upang makatulong sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan habang napipigilan ang kanilang pangunahing hanapbuhay.

Nakasaad din sa panukalang batas na rerepasuhin taun-taon ang halaga ng ayuda upang maisaalang-alang ang epekto ng inflation at matiyak na nananatiling sapat ang suporta sa mga benepisyaryo.

Saklaw ng programa ang mga rehistradong municipal fisherfolk na gumagamit ng mga bangkang de-motor na may kapasidad na tatlong gross tons o mas mababa.

Hindi lamang pinansiyal na tulong ang nakapaloob sa panukala. Layunin din nitong ikonekta ang mga benepisyaryong mangingisda sa iba pang programa ng pamahalaan, kabilang ang PhilHealth, SSS micro-insurance, DSWD assistance, DOLE emergency employment at TESDA livelihood training.

Ayon kay Tan, mahalagang magkaroon ng konkretong suporta ang mga mangingisda lalo na sa mga panahong hindi sila makapalaot dahil sa masamang panahon o mga panuntunang naglalayong pangalagaan ang yamang-dagat.

“Sa panahong hindi sila makapalaot, dapat may katuwang ang ating mga mangingisda upang patuloy na maitawid ang pangangailangan ng kanilang pamilya,” ayon sa mambabatas.

Sa pamamagitan ng HB 5555, hangad na mabigyan ng mas matatag na safety net ang mga mangingisda at kanilang pamilya habang hinihintay nilang muling makapaghanapbuhay sa dagat.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved