TAGKAWAYAN, Quezon — Patay ang dalawang matatandang magsasaka matapos umanong makuryente sa isang liblib na lugar sa Barangay Mansilay, Tagkawayan, Quezon, habang inaayos umano ang koneksyon ng isang deep-well water pump.
Kinilala ang mga nasawi bilang sina alyas “Gerry,” 64, at alyas “Irine,” 67, kapwa residente ng nasabing barangay. Ayon sa pulisya, magka-live-in partner ang dalawa at parehong nagtatrabaho bilang magsasaka.
Batay sa ulat ng Tagkawayan Municipal Police Station, nakatanggap ng tawag si Barangay Chairman Alvin Beringuela bandang alas-12:30 ng tanghali noong Oktubre 6 hinggil sa natagpuang dalawang bangkay sa isang bulubunduking bahagi ng barangay.
Sa imbestigasyon, natagpuan ng isang residente na nangunguha ng pako ang bangkay ng mga biktima na nakadapa malapit sa isang balon na may nakakabit na electric water pump.
Ayon sa mga awtoridad, umaandar pa ang water pump nang matagpuan ang mga bangkay, habang may mga gamit pang pangkumpuni na nakapatong sa balon.
Dahil dito, pinaniniwalaang maaaring inaayos ng mag-partner ang linya ng kuryente ng bomba nang mangyari ang insidente.
Tinatayang dalawa hanggang tatlong araw nang patay ang mga biktima bago natagpuan dahil nasa kalagayan na ng pagkabulok ang kanilang mga katawan.
