Hindi lahat ng pandemya ay dulot ng virus. May pandemya ring unti-unting pumapatay sa kabuhayan, sumisira sa pangarap, at nagpapabigat sa araw-araw na pamumuhay. Ito ang pandemya sa ekonomiya—isang krisis na walang lagnat o ubo, ngunit ramdam sa bawat bulsa, hapag-kainan, at negosyong pilit na lumalaban upang manatiling buhay.
Noong kasagsagan ng COVID-19, nasaksihan natin ang takot, pangamba at kawalan ng katiyakan. Maraming buhay ang nawala, maraming pamilya ang naghirap, at hindi mabilang ang negosyong nagsara. Bukod sa pisikal na kalusugan, matinding naapektuhan ang kalusugang pangkaisipan ng matatanda, kabataan at maging ng mga batang biglang nawalan ng normal na pamumuhay.
Nakalampas tayo sa pandaigdigang emerhensiyang pangkalusugan, ngunit hindi nangangahulugang natapos na rin ang paghihirap.
Ngayon, ibang uri ng pandemya ang ating kinakaharap. Hindi na lamang kalusugan ang pinag-aalala kundi kung paano pagkakasyahin ang kakarampot na kita sa patuloy na pagtaas ng gastusin.
Sa bawat pagtaas ng presyo ng pagkain, kuryente, gasolina at iba pang pangunahing pangangailangan, may pamilyang napipilitang magtipid. May manggagawang naghahanap ng karagdagang pagkakakitaan. May magulang na inuuna ang pangangailangan ng mga anak kaysa sariling kalusugan.
Ngunit higit na tahimik ang laban ng maliliit na negosyante.
Sa likod ng bawat tindahang bukas, may may-aring nag-aalala kung sapat ba ang benta upang mabayaran ang upa, kuryente, puhunan at sahod ng mga empleyado. May negosyanteng nakangiti sa harap ng kostumer ngunit gabi-gabing nagkukuwenta kung paano maitatawid ang susunod na araw.
Hindi biro ang magnegosyo sa panahong mahina ang bentahan at mataas ang gastusin. Hindi sapat ang sipag at tiyaga kung patuloy na lumalaki ang obligasyon habang lumiliit ang kita.
At kapag nagsara ang isang negosyo, hindi lamang may-ari ang nawawalan. May mga manggagawang nawawalan ng trabaho, mga pamilyang nawawalan ng pagkakakitaan, at isang komunidad na nawawalan ng oportunidad.
Kaya hindi dapat ipagwalang-bahala ng pamahalaan ang kalagayan ng maliliit na negosyo. Kailangan ang makabuluhang suporta, abot-kayang pautang, makatwirang buwis, maayos na serbisyo at mga patakarang tunay na nagpapagaan sa kanilang operasyon.
Hindi sapat ang magagandang ulat tungkol sa paglago ng ekonomiya kung hindi naman ito nararamdaman ng ordinaryong mamamayan.
Sa kabila nito, may pag-asang dapat panghawakan.
Sa bawat negosyanteng halos sumuko ngunit piniling magbukas muli kinabukasan, sana ay dumating ang panahong hindi na kailangang mangamba sa pagbabayad ng sahod, pagkakautang at pang-araw-araw na gastusin.
Sana, balang araw, ang mga panahong matumal ang negosyo ay maging bahagi na lamang ng kuwentong nalampasan. Sana dumating ang mga kostumer, gumaan ang mga bayarin, at ang negosyong minsang pinangambahang mawala ay maging dahilan ng pagmamalaki.
Sapagkat ang tunay na tagumpay ay hindi lamang ang manatiling bukas ang negosyo. Ito ay ang magkaroon ng sapat na kita upang mabuhay nang marangal, makapagbigay ng trabaho at magkaroon ng panahon para sa pamilya.
Ang ekonomiyang tunay na umuunlad ay hindi lamang nasusukat sa mga numero, kundi sa bilang ng mga pamilyang nakaaahon at mga negosyong patuloy na nabubuhay.
Sa pandemya ng ekonomiya, hindi sapat na sabihing magtiis at magsikap.
Ang kailangan ng mamamayan ay hindi lamang pag-asang makaraos, kundi tunay na pagkakataong umasenso.
