Naging makabuluhan ang isinagawang Flag Raising Ceremony ng Lokal na Pamahalaan ng Infanta noong Pebrero 16, 2026 matapos maging panauhing tagapagsalita si Governor Doktora Helen Tan bilang bahagi ng Share to Inspire Program.
 
Sa kanyang talumpati, ibinahagi ng gobernador ang kwento ng kanyang buhay — mula sa pagiging salat sa yaman hanggang sa pag-ahon sa kahirapan dahil sa matibay na pangarap para sa sarili at sa kanyang pamilya.
 
“Mahirap ang kinagisnan kong buhay noon, pero hindi ako sumuko na abutin ang mga pangarap ko. At ngayong narito na ako sa posisyong kinalalagyan ko, hindi ako titigil sa pagtulong at paggawa ng paraan upang mabago at mapabuti ang buhay ng ating mga kababayan,” saad ni Tan.
Ayon pa sa kanya, malaki ang kanyang takot at pagmamahal sa Diyos at naniniwala siyang siya ay instrumento ng Diyos upang makapaglingkod sa kapwa. Hinikayat din niya ang bawat kawani ng pamahalaan na maging instrumento sa pagbabalik ng tiwala at kumpiyansa ng mamamayan sa gobyerno.
 
“Maging mabuti sa bawat araw. Hindi man nakikita ng ibang tao ang ginagawa mo, ito ay nakikita ng Diyos. In everything that you do, you have a witness,” dagdag pa niya.
 
Binigyang-diin din ng gobernador na ang kanyang inspirasyon ay nagmumula sa mga personal niyang pagbisita sa mga barangay, kung saan nasasaksihan niya ang tunay na kalagayan ng mga mamamayan.
 
Aniya, sa panahon na walang masulingan ang mga tao, nararapat lamang na ang pamahalaan ang kanilang masandalan.
 
Sa pamamagitan ng kanyang mensahe, umapela si Tan sa mga kawani at opisyal ng pamahalaan na patuloy na magsilbi nang may malasakit, integridad, at pananampalataya para sa kapakanan ng bawat mamamayan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved