Patuloy ang pagpapatibay ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon sa AbaKabuhayan Program matapos magsagawa ng benchmarking activity sa Bicol Region ang Office of the Provincial Agriculturist (OPA)-Quezon, katuwang ang Rhudarda Multipurpose Cooperative.
 
Layunin ng aktibidad na mapalawak ang kaalaman ng mga kalahok hinggil sa makabagong teknolohiya, epektibong pamamaraan sa produksyon, value-adding, enterprise development, at marketing ng abaca upang higit na mapalakas ang industriya nito sa lalawigan.
 
Bumisita ang delegasyon sa Philippine Fiber Industry Development Authority (PhilFIDA) Region V, OPA Catanduanes at Albay, Pinoy Lingap Damayan Cooperative, at Manila Hemp Trading Corporation. Sa naturang pag-aaral, personal na naobserbahan ng grupo ang iba’t ibang proseso sa fiber processing, product development, at market linkage na mahalaga sa pagpapataas ng kalidad at halaga ng produktong abaca.
 
Kasama rin sa isinagawang benchmarking ang pagbisita sa mga organisasyon at negosyong gumagawa ng mga produktong mula sa abaca tulad ng tsinelas, twine, carpet, bag, at sinamay.
 
Ipinakita rito ang potensyal ng abaca hindi lamang bilang hilaw na materyales kundi bilang pangunahing sangkap sa mga produktong may mas mataas na halaga sa merkado.
 
Ayon sa OPA-Quezon, ang mga natutunan sa benchmarking activity ay isasalin sa mga programang makatutulong sa mga magsasaka at kooperatiba sa Quezon upang mapataas ang kanilang kita at mapalakas ang kabuhayan sa kanayunan.
 
Sa pamamagitan ng pinalakas na pakikipag-ugnayan sa mga ahensya at pribadong sektor, inaasahang mas maisusulong ang isang mas matatag, makabago, at market-driven na industriya ng abaca sa Lalawigan ng Quezon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved