Nakiisa si Quezon Governor Doktora Helen Tan sa paglagda ng Memorandum of Agreement (MOA) para sa programang “Constructing Our Future: Department of Education (DepEd) Memorandum of Agreement Signing for Nationwide Classroom Building Program” na pinangunahan ni DepEd Secretary Sonny Angara sa Heroes Hall ng Malacañang Palace ngayong araw ng Miyerkules, Pebrero 11.
 
Dumalo rin sa makabuluhang seremonya ang iba’t ibang gobernador at mga pinuno ng lokal na pamahalaan mula sa iba’t ibang panig ng bansa bilang pagpapakita ng suporta sa pambansang inisyatiba ng DepEd na tugunan ang patuloy na kakulangan sa mga silid-aralan.
 
Layunin ng kasunduan na palakasin ang koordinasyon at kooperasyon sa pagitan ng DepEd at ng mga Local Government Units (LGUs) upang mapabilis ang konstruksyon ng mga bagong classroom sa mga pampublikong paaralan. Bahagi ito ng mas malawak na hakbang ng pamahalaan upang mabawasan ang classroom backlog, masolusyunan ang siksikan sa mga silid-aralan, at mapabuti ang kalidad ng edukasyon sa bansa.
 
Sa ilalim ng kasunduan, pagtutulungan ng pambansang pamahalaan at mga LGU ang pagtukoy sa mga prayoridad na lugar, paglalaan ng lupa kung kinakailangan, at pagpapabilis ng mga lokal na proseso upang agad na maisakatuparan ang pagtatayo ng mga gusali.
 
Ayon sa DepEd, mahalaga ang aktibong partisipasyon ng mga lokal na pamahalaan upang matiyak na ang mga silid-aralan ay maipapatayo sa mga komunidad na may agarang pangangailangan, lalo na sa mga lugar na mataas ang bilang ng mag-aaral.
Sa panig ni Governor Tan, muling pinagtibay ang suporta ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon sa mga programang pang-edukasyon ng pambansang pamahalaan, bilang bahagi ng patuloy na adbokasiya ng lalawigan na mapabuti ang access at kalidad ng edukasyon para sa bawat Quezonian learner.
 
Sa pamamagitan ng pinaigting na ugnayan ng DepEd at mga LGU, inaasahang maisusulong ang mas maayos, ligtas, at inklusibong kapaligiran sa pagkatuto na magbibigay daan sa mas maliwanag na kinabukasan para sa bawat mag-aaral na Pilipino.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved