Patay ang dalawang katao habang dalawa pa ang sugatan matapos ang aksidente sa kalsada sa Maharlika Highway kanto ng Old Zigzag Road Entrance sa Sitio Amao, Brgy. Silangang Malicboy, Pagbilao, alas-10:15 ng umaga nitong Miyerkules, Marso 18.
Batay sa paunang imbestigasyon, isang Isuzu wing van truck na may kargang livestock feeds ang bumabagtas mula timog patungong hilaga nang mawalan umano ng kontrol habang nasa pababang bahagi ng kalsada. Pinaniniwalaang nagkaroon ito ng problema sa preno na naging sanhi upang dire-diretso itong umarangkada.
Sa pagdating sa naturang junction, direktang bumangga ang truck sa isang Suzuki multicab na papasok sana sa Old Zigzag Road. Dahil sa lakas ng impact, nakaladkad ang multicab nang ilang metro bago tuluyang nahulog ang truck sa isang kalapit na creek.
Nasawi sa insidente ang driver ng multicab na si alyas Jhay-Ar, residente ng Tubigon, Bohol, matapos magtamo ng matinding pinsala sa ulo at katawan. Patay rin ang truck helper na na-trap sa loob ng sasakyan.
Sugatan naman ang isang pasahero ng multicab na si alyas Renel, gayundin ang driver ng truck. Agad silang isinugod sa Quezon Medical Center para sa agarang gamutan.
Patuloy naman ang retrieval operations ng Bureau of Fire Protection at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa pinangyarihan ng insidente.
Lubhang napinsala ang dalawang sasakyan, at patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang eksaktong sanhi ng aksidente.
