PAGBILAO, Quezon — Isang 22-anyos na babae ang nasawi makaraang sumalpok ang minamaneho niyang motorsiklo sa hulihang bahagi ng isang nakahintong six-wheeler dump truck sa kahabaan ng Tayabas-Pagbilao Road sa Sitio Pag-asa, Brgy. Bukal dito, Martes ng gabi, Marso 24.
Kinilala ang biktima na si Ethel, live-in partner, online seller at residente ng Brgy. Bigo, Pagbilao, Quezon. Minamaneho niya ang isang Honda Click motorcycle na may plate number D408RR. Ayon sa ulat, wala umanong naipakitang kaukulang dokumento at hindi rin ito nakasuot ng protective helmet nang mangyari ang insidente.
Samantala, sangkot naman sa insidente ang isang Isuzu six-wheeler dump truck na may plate number CCO3488, na minamaneho ni Renne, 48, may asawa, truck driver at residente ng Brgy. Malusak, Atimonan, Quezon. Hindi nasugatan ang driver ng truck.
Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong 10:00 ng gabi nang makatanggap ng tawag ang mga awtoridad mula sa isang concerned citizen hinggil sa insidente.
Lumabas sa paunang pagsisiyasat na dakong 5:00 ng hapon ng nasabing araw ay na-flat umano ang magkabilang kaliwang gulong sa likuran ng dump truck habang bumibiyahe ito patungong Tayabas City at kargado ng graba at lupa.
Pagsapit ng 9:30 ng gabi, habang binabagtas ng motorsiklo ng biktima ang kaparehong direksyon, bumangga ito sa rear-left portion ng nakahintong truck.
Dahil sa lakas ng pagkakasalpok, nagtamo ang biktima ng matinding pinsala sa ulo at katawan na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.
Nabatid na nagtamo ng grabeng pinsala ang motorsiklo, habang nayupi naman ang kaliwang bahagi ng rear bumper ng truck.
Nang dumating ang mga rumespondeng pulis, napag-alamang nakabukas ang hazard lights ng truck at may inilagay na Early Warning Device (EWD), ngunit nasa humigit-kumulang dalawang metro lamang ang layo nito mula sa sasakyan.
Natuklasan ding nasira ang naturang EWD matapos itong magulungan ng motorsiklo ng biktima, at hindi umano ito nailagay sa wastong distansya alinsunod sa itinatakda ng batas.
Ayon pa sa mga awtoridad, madilim ang lugar at limitado ang visibility nang mangyari ang insidente, habang ang nakahintong truck ay nagsilbing nakausling harang sa kalsada.
Sa paunang assessment, posibleng may pananagutan ang driver ng dump truck dahil sa kabiguang mailipat agad ang sasakyan sa mas ligtas na lugar at sa kakulangan ng sapat na babala sa mga paparating na motorista, lalo’t matagal umanong nakahinto ang sasakyan sa mismong kalsada.
Patuloy pa ang masusing imbestigasyon ng pulisya sa insidente at inaasahang susundan pa ito ng progress report.
Dinala naman ang bangkay ng biktima sa Funeraria Baracael sa Sariaya, Quezon para sa post-mortem examination, batay na rin sa pasya ng kanyang mga kaanak.
Ang kaso ay nananatiling under investigation at maaari umanong mauwi sa posibleng areglo.
