Idineklara
ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang State of National Energy Emergency sa
bansa sa pamamagitan ng Executive Order No. 110, s. 2026, bilang tugon sa banta
ng kakulangan sa suplay ng langis at pagtaas ng presyo nito sa pandaigdigang
merkado.
Sa
ilalim ng kautusan, pinahintulutan ang pagpapatupad ng Unified Package for
Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) na magsisilbing
komprehensibong tugon ng pamahalaan upang mabawasan ang epekto ng krisis sa
ekonomiya at sa iba’t ibang sektor ng lipunan.
Ayon
sa Malacañang, ang deklarasyon ay bunsod ng tumitinding tensyon sa Gitnang
Silangan na nagdudulot ng kawalang-katiyakan sa pandaigdigang suplay ng langis,
pagkagambala sa supply chain, at patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo na
maaaring magbanta sa seguridad ng enerhiya ng bansa.
Sa
ilalim ng state of emergency na inaasahang tatagal ng isang taon, maaaring
magpatupad ang pamahalaan ng mga agarang hakbang upang matiyak ang sapat na
suplay ng enerhiya, kabilang ang mas mabilis na pagkuha o pag-angkat ng langis
at iba pang petroleum products.
Bubuo
rin ng komite na mangangasiwa sa maayos na distribusyon ng mahahalagang
produkto tulad ng langis, pagkain, gamot, at iba pang pangunahing
pangangailangan, upang matiyak na hindi maaantala ang operasyon ng
transportasyon at iba pang mahahalagang serbisyo sa bansa.
Layunin
ng hakbang na maprotektahan ang kabuhayan ng mamamayan at matiyak ang katatagan
ng ekonomiya habang hinaharap ng bansa ang epekto ng pandaigdigang krisis sa
enerhiya.
