Sumiklab ang isang grassfire sa bahagi ng tuktok ng Mount Banahaw, partikular sa Durungawan o Dungaw Peak sa bayan ng Dolores, Quezon nitong Linggo ng gabi, Marso 29.
Ayon sa mga residenteng nakatira sa paanan ng bundok, kitang-kita ang apoy mula sa ilang kalapit na barangay habang mabilis itong kumalat sa damuhang bahagi ng kabundukan. Dahil sa mataas na lokasyon ng pinangyarihan ng sunog, kapansin-pansin ang liwanag ng apoy na tumupok sa ilang bahagi ng damuhan sa tuktok ng bundok.
Hinala ng ilang residente, posibleng may mga umakyat sa bundok at nag-iwan ng siga o kandila na maaaring naging sanhi ng sunog, lalo na’t papalapit ang Semana Santa kung kailan dinarayo ng mga pilgrim ang Mount Banahaw para sa panata at pagninilay. Kilala ang bundok bilang isang sagradong lugar at dinarayo ng mga deboto at hikers mula sa iba’t ibang lugar.
Sa ngayon ay wala pang opisyal na tinutukoy na sanhi ng sunog. Patuloy itong binabantayan ng mga awtoridad dahil sa hirap maabot ng mga responder ang lugar ng insidente at sa kakulangan ng suplay ng tubig sa mataas na bahagi ng bundok.
Dakong alas-4 ng madaling araw ng Lunes, Marso 30, umakyat na sa lugar ang mga tauhan ng Protected Area Management Office at ang lokal na pamahalaan ng Dolores upang magsagawa ng imbestigasyon at paunang assessment sa pinsalang dulot ng sunog.
Ayon sa mga awtoridad, wala pang pinal na ulat sa lawak ng pinsala sa nasabing bahagi ng bundok habang patuloy ang koordinasyon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Bureau of Fire Protection (BFP) para sa posibleng karagdagang response.
Samantala, nananawagan ang ilang residente na agad makontrol ang sunog upang hindi na ito kumalat pa sa mas malawak na bahagi ng kagubatan ng Mount Banahaw, na kabilang sa Mounts Banahaw–San Cristobal Protected Landscape na mahalagang watershed at tirahan ng iba’t ibang uri ng halaman at hayop sa rehiyon. (𝙬𝙞𝙩𝙝 𝙧𝙚𝙥𝙤𝙧𝙩𝙨 𝙛𝙧𝙤𝙢 𝘼𝘽𝙎–𝘾𝘽𝙉 𝙉𝙚𝙬𝙨)
