LUCENA CITY — Arestado ang dalawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga sa isinagawang buy-bust operation ng mga tauhan ng Lucena City Police Station sa Purok Baybayin Phase 4, Brgy. Ibabang Dupay dito sa lungsod, nitong Linggo ng hapon, Marso 29, 2026. 

Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Kalbo,” 43, isang karpintero, at alyas “Mac-mac,” 35. Kapwa umano kabilang ang mga ito sa listahan ng mga high-value individual sa lugar. 

Ayon sa pulisya, dati nang nasangkot sa kaso ng ilegal na droga ang dalawang suspek, ngunit nakalaya matapos umanong makinabang sa plea bargaining.

Nasamsam mula sa mga suspek ang mga heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng tinatayang 300 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang street value na mahigit P6.1 milyon.

Narekober din ng mga awtoridad ang buy-bust money na ginamit sa operasyon, gayundin ang isang pouch. 

Kasalukuyang nakakulong ang dalawang suspek sa custodial facility ng Lucena City Police Station at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. 

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved