SARIAYA, Quezon — Tinatayang aabot sa P3.4 milyon ang halaga ng mga ari-ariang naabo sa naganap na industrial fire sa isang establisimyento sa Sitio Sta. Clara, Barangay Sampaloc 2 sa bayang ito, Biyernes ng hapon.
Sa ulat ng Sariaya Municipal Police Station (MPS), dakong alas-4:30 ng hapon noong Abril 3, 2026 nang makatanggap sila ng tawag sa cellphone mula sa isang concerned citizen hinggil sa sunog sa nasabing lugar.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng pulisya at nakipag-ugnayan sa Bureau of Fire Protection (BFP) upang maapula ang sunog at alamin ang lawak ng pinsala.
Batay sa pahayag ng may-ari ng establisimyento na si Danilo, 57, negosyante at residente ng Brgy. Gibanga, Sariaya, Quezon, nagsimula umano ang sunog dakong alas-1:35 ng hapon at idineklarang fire-out bandang alas-2:58 ng hapon sa pangunguna ni FSINP Edwin A. Emradura.
Sa inisyal na imbestigasyon, umabot sa 65 kubo, dalawang trak, dalawang traysikel, dalawang motorsiklo, at isang cement mixer ang naitalang nasira sa insidente.
Ayon sa pulisya, tinatayang nasa P3,400,000 ang kabuuang halaga ng mga napinsalang ari-arian.
Samantala, nilinaw ng mga awtoridad na hanggang alas-5:00 ng hapon ng araw ding iyon ay iniimbestigahan pa ang pinagmulan ng sunog.
Patuloy ang pagsisiyasat ng mga otoridad upang matukoy ang tunay na sanhi ng insidente.
