Patay ang isang estudyante matapos masangkot sa banggaan ng isang pampasaherong bus at motorsiklo sa kahabaan ng Quirino Highway sa Brgy. San Francisco, Tagkawayan, Quezon madaling araw ng Abril 6.
Kinilala ang biktima na si alyas Jeomar, nasa hustong gulang, binata at residente ng naturang barangay, na siyang nagmamaneho ng Suzuki FU150.
Batay sa imbestigasyon, dakong 12:50 ng madaling araw nang bumabaybay patungong timog o Bicol Region ang Zhongtong Raymond passenger bus na minamaneho ni alyas Philip, 35, residente ng Brgy. Manguring, Calabanga, Camarines Sur.
Ayon sa pulisya, biglang napunta sa southbound lane ang motorsiklo ng biktima mula sa kasalubong na direksyon. Sinubukan pang umiwas ng driver ng bus sa pamamagitan ng pagliko ng manibela pakanan ngunit dahil sa lapit ng distansya ay bumangga ang motorsiklo sa kaliwang harapang bahagi ng bus.
Dahil sa lakas ng banggaan, nagtamo ng malubhang pinsala ang rider at agad na isinugod sa Maria L. Eleazar General Hospital, subalit idineklara itong dead on arrival ng attending physician.
Samantala, inaresto naman ang driver ng bus kaugnay ng kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide and Damage to Property. Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.
Photos courtesy: MDRRMO Tagkawayan
