LUCENA CITY — Patay ang isang manggagawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH) habang sugatan naman ang isa pa matapos sumalpok ang isang trailer truck sa isang nakahintong dump truck sa Diversion Road sa Barangay Domoit, Lucena City, nitong Huwebes ng umaga.
Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-9:00 ng umaga noong Abril 16, 2026 at batay dashcam footage na nakuha ng mga rumespondeng otoridad, nakahinto umano sa gitnang linya ng kalsada ang isang orange na dump truck na may marka ng DPWH at nakaharap sa direksyon ng Pagbilao.
Sa harapan nito ay may apat na katao, kabilang ang dalawang manggagawa.
Ilang sandali pa ay dumating ang isang puting trailer truck at bumangga sa likurang bahagi ng nakahintong dump truck.
Sa lakas ng pagkakabangga ay umusad ang dump truck pauna at nabangga ang dalawang manggagawa sa harapan nito. Nakaiwas naman umano ang dalawa pang kasama matapos umatras agad nang mangyari ang insidente.
Isinugod ang dalawang sugatan sa ospital. Idineklarang dead on arrival ang isa habang sugatan naman ang kasamahan nito.
Sa imbestigasyon, sinabi umano ng driver ng trailer na nakatulog siya habang nagmamaneho.
Nagtamo ng pinsala sa likurang bahagi ang dump truck habang wasak naman ang unahang bahagi ng trailer truck.
Hindi pa tukoy ng mga awtoridad ang kabuuang halaga ng pinsala sa mga sasakyan.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Lucena City police ang driver ng trailer truck at inihahanda na ang kasong reckless imprudence resulting in homicide, physical injuries and damage to property laban sa kanya.
Photos courtesy of Quezon PPO
