Isang nakakaantig na kwento ng pag-asa at malasakit ang ibinahagi ni Angeline Rodelas mula Mogpog, Marinduque matapos mailigtas ang kanyang anak na si Jheo na aksidenteng nakalunok ng baryang limang piso na bumara sa lalamunan nito.

Ayon kay Rodelas, agad nilang isinugod sa ospital sa Marinduque ang bata matapos ang insidente. Gayunman, dahil walang espesyalistang ENT (Ear, Nose, and Throat doctor) sa kanilang lugar, kinailangan pa nilang lumuwas patungong Lucena City at i-refer sa Quezon Medical Center.

Sa kabila ng dagsa ng mga pasyente sa emergency room ng ospital nang dumating sila pasado alas-11 ng gabi, agad pa rin umanong naasikaso ang bata. Isinailalim si Jheo sa X-ray at nilagyan ng suwero habang naghihintay ng karagdagang lunas.

Ngunit pagsapit ng alas-4 ng madaling araw, ipinaalam sa pamilya na wala umanong angkop na instrumentong magagamit sa oras na iyon upang alisin ang barya sa lalamunan ng bata. Dahil dito, kinailangan nilang maghanap ng tulong sa mga pribadong klinika at ospital kinabukasan.

Ayon sa pamilya, nagtungo sila sa isang ENT clinic sa MMG Plaza ngunit muli silang na-refer sa pribadong ospital na may sapat na kagamitan para sa suction procedure. Gayunman, umabot umano sa halos ₱80,000 ang tinatayang gastusin, bagay na hindi nila kayang bayaran.

Sa gitna ng kanilang pag-aalala, nagtungo sila sa help desk ng tanggapan ni Governor Doktora Helen Tan kung saan agad silang inasistehan at hindi pinabayaang mag-isa sa problema. Sa tulong ng mga staff at ng emergency team ng QMC, muling naibalik sa ER ang bata para sa agarang atensyon.

Dito na pumasok ang agarang aksyon ni Dr. Blue-Blue Dagdagan, na nakagawa ng paraan upang maisuka ni Jheo ang barya nang hindi na kinakailangang gumamit ng mamahaling instrumento o sumailalim sa operasyon.

Lubos ang pasasalamat ng mag-asawa sa doktor at sa buong medical staff ng QMC dahil sa ipinakitang malasakit at dedikasyon.

“Halos nakahinga kami nang maluwag nang mailabas ni Jheo ang barya. Maraming salamat po sa QMC at kay Doctor Blue-Blue Dagdagan na hindi kami pinabayaan,” ayon kay Rodelas.

Mas lalo pang ikinatuwa ng pamilya na nakauwi sila nang walang binayarang gastusin sa ospital.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved