Umabot sa 930 benepisyaryo mula sa sektor ng agrikultura, pangingisda, at delivery services ang tumanggap ng cash relief assistance o fuel subsidy mula sa Pamahalaang Panlungsod ng Lucena ngayong Miyerkules, Abril 29, 2026, sa ginanap na pamamahagi sa Lucena City Convention Center.
Kabilang sa mga tumanggap ng ayuda na P3,000 bawat isa ang 447 magsasakang gumagamit ng makinarya, 356 may-ari ng bangka at mangingisda, at 127 rehistradong delivery riders sa lungsod.
Pinangunahan ang pamamahagi ni Mayor Mark Alcala, kasama sina Konsehal Patrick Nadera, City Agriculturist Jai Merano, BPLO Head Wendell Perez, at City Budget Officer Rosie Castillo.
Ayon sa lokal na pamahalaan, layunin ng programa na magbigay ng agarang tulong sa mga sektor na labis na naapektuhan ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo dahil sa umiiral na tensyon at kaguluhan sa Gitnang Silangan.
Sa mga nakalipas na linggo, nagpatupad din ang pambansang pamahalaan at iba’t ibang lokal na yunit ng pamahalaan ng kahalintulad na fuel subsidy para sa mga magsasaka at mangingisda upang maibsan ang epekto ng oil price hike.
Ayon pa sa lokal na pamahalaan, malaking tulong ang naturang ayuda upang mapagaan ang gastusin sa krudo at gasolina ng mga benepisyaryo, lalo na sa operasyon ng mga makinaryang pangsaka, mga bangkang pangisda, at mga sasakyang gamit sa delivery services.
Ipinahayag ng pamahalaang lungsod na patuloy itong magsasagawa ng mga hakbang upang suportahan ang kabuhayan ng mga Lucenahin sa gitna ng hamon ng mataas na presyo ng langis at iba pang pangunahing bilihin.
Photos courtesy of Ronald Lim.
