Muling naghatid ng pag-asa at panibagong simula sa mga magsasaka at benepisyaryo ng reporma sa lupa ang isinagawang “Serbisyong PaanDAR: Arangkadang Agraryo para sa mga Benepisyaryo” sa bayan ng Jomalig, Quezon, bilang bahagi ng patuloy na pagpapatupad ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) at ng World Bank-funded Support to Parcelization of Lands for Individual Titling (SPLIT) Project.

Sa aktibidad, ipinamahagi ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang mga SPLIT E-Titles at Certificates of Condonation with Release of Mortgage (COCROMs) sa mga kwalipikadong benepisyaryo.

Ang mga dokumentong ito ay nagsisilbing mahalagang patunay ng pagmamay-ari ng lupa at pagpapatawad sa natitirang amortisasyon, na layong mapalakas ang seguridad sa paninirahan at kabuhayan ng mga magsasaka.

Ayon sa DAR, ang pamamahagi ng mga titulo at sertipiko ay hindi lamang simpleng pagbibigay ng papeles kundi isang simbolo ng dignidad, pagkilala, at mas matatag na kinabukasan para sa mga tunay na nag-aararo at nangangalaga sa lupain.

Dagdag pa ng DAR, bahagi ito ng mas malawak na layunin ng pamahalaan na gawing mas produktibo at makabuluhan ang paggamit ng mga lupang pansakahan, alinsunod sa mga programang pangkaunlaran sa agrikultura na sinusuportahan din ng mga pandaigdigang institusyon.

Nakibahagi rin sa programa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon sa pangunguna ni Governor Doktora Helen Tan na kinatawan ni Executive Assistant Romano Talaga.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Talaga na kaisa ang pamahalaang panlalawigan sa paniniwalang ang tunay na reporma sa lupa ay hindi lamang nasusukat sa pamamahagi ng lupain, kundi sa pagbibigay ng mas maraming oportunidad upang umangat ang buhay ng bawat benepisyaryo.

Aniya, ang mga magsasaka at agrarian reform beneficiaries ang nagsisilbing pundasyon ng bayan at ng lalawigan, kaya mahalagang tiyakin na sila ay nabibigyan ng sapat na suporta para sa mas matatag na susunod na henerasyon.

Patuloy namang pinaiigting ng DAR ang Serbisyong PaanDAR bilang bahagi ng layunin nitong isulong ang isang mas makatarungan, inklusibo, at maunlad na sektor ng agrikultura sa lalawigan at sa buong bansa.

Photos courtesy of Romano Franco C. Talaga

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved