Isinagawa kamakailan sa 3rd Floor Capitol Building sa Lucena City ang pagpupulong ng Joint Committees on Energy and Environment upang talakayin ang panukalang ordinansa na naglalayong higpitan ang regulasyon sa operasyon ng mga umiiral na coal-fired power plant sa buong lalawigan ng Quezon.

Sa naturang pulong, tinalakay ang panukalang “An Ordinance Regulating the Operation of Existing Coal-Fired Power Plants in Quezon Province and Adopting the Moratorium on Coal-Fired Power Plants,” na nakaangkla sa inilabas na advisory ng Department of Energy (DOE) noong Disyembre 22, 2020 hinggil sa moratorium sa mga bagong greenfield coal-fired power projects. 

Ayon sa DOE, hindi na nito pinoproseso ang mga aplikasyon para sa mga bagong coal-fired power plant bilang bahagi ng pagsusulong ng mas sustenableng pinagkukunan ng enerhiya.  

Pangunahing layunin ng pagpupulong ang agarang pag-aksyon sa mga panganib na dulot ng operasyon ng mga planta sa kalusugan ng publiko, kabilang ang pagtaas ng kaso ng mga sakit sa paghinga at cardiovascular diseases na iniuugnay sa polusyon mula sa coal plants.

Bukod dito, masusing tinalakay rin ang epekto ng mga planta sa kapaligiran, gaya ng polusyon sa hangin at tubig, pati na ang ambag nito sa lumalalang epekto ng climate change sa lalawigan.

Ayon sa nilalaman ng ordinansa, mahalagang maipatupad ang mas mahihigpit na alituntunin upang mapangalagaan ang likas na yaman at kalusugan ng mamamayan, habang tinitiyak na nananatiling sapat at sustenableng suplay ng kuryente sa gitna ng patuloy na hamon sa sektor ng enerhiya.

Patuloy namang hinihikayat ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon ang pakikiisa ng iba’t ibang sektor, kabilang ang mga lokal na pamahalaan, environmental groups, at power stakeholders, upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at pangangalaga sa kalikasan.

Samantala, mahalagang tandaan na nilinaw ng DOE na ang moratorium ay pangunahing sumasaklaw sa mga bagong coal-fired power projects at hindi awtomatikong total ban sa mga umiiral at operational na planta.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved