Malapit nang buksan ang moderno at mas pinalawak na passenger terminal building (PTB) ng Port of Lucena na inaasahang magbibigay ng mas maginhawa at maayos na serbisyo sa libo-libong pasahero at turista na bumibiyahe patungo sa iba’t ibang bahagi ng Quezon at karatig-lalawigan.

Ayon kay Transportation Secretary Banoy Lopez, layunin ng proyekto na gawing mas moderno, ligtas, at passenger-friendly ang mga pantalan sa bansa alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa isinagawang inspeksyon sa Port of Lucena, sinabi ni Lopez na ang bagong terminal ay may kapasidad na tumanggap ng hanggang 1,000 pasahero upang maiwasan ang pagsisiksikan lalo na tuwing peak travel season.

Kasama ni Lopez sa pagbisita sina Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Jay Santiago at DOTr Undersecretary for Planning and Project Development Teodorico Delfin upang suriin ang progreso ng proyekto bago ito tuluyang buksan sa publiko.

Ayon kay Santiago, malaking tulong ang bagong PTB hindi lamang sa mga biyahero kundi maging sa sektor ng turismo at ekonomiya ng Quezon at mga kalapit na lalawigan.

Aniya, mas mapapadali rin ang proseso ng pagbili ng tiket dahil magkakaroon na ng automated ticketing counters sa loob ng terminal.

Bukod dito, nilagyan din ng solar panels ang gusali bilang bahagi ng pagsusulong ng sustainable at environment-friendly na paggamit ng enerhiya sa mga pantalan.

Dagdag pa ng opisyal, inaasahang magiging mas komportable at maayos ang karanasan ng mga pasahero oras na maging ganap nang operational ang bagong terminal, lalo na para sa mga biyaherong bumibiyahe patungo sa mga isla at karatig-probinsiya mula sa Lucena Port.

Ang Port of Lucena ay isa sa mahahalagang pantalan sa rehiyon na nagsisilbing gateway ng mga biyahero at kalakal patungo sa mga isla ng Quezon at iba pang bahagi ng Southern Tagalog.

Photos courtesy of the Department of Transportation – Philippines

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved