Daan-daang residente ng bayan ng Macalelon ang nakinabang sa programang “Kalinga sa Mamamayan, Libreng Gamutan” na isinagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon kahapon, Mayo 7, 2026.
Pinangunahan ni Governor Doktora Helen Tan ang naturang aktibidad katuwang sina Vice Governor Third Alcala, 3rd District Representative Cong. Reynan Arrogancia, ilang miyembro ng Sangguniang Panlalawigan, at mga opisyal ng lokal na pamahalaan.
Naghatid ang programa ng iba’t ibang libreng serbisyong pangkalusugan kabilang ang medical consultation, libreng gamot, dental extraction, minor surgery, fasting blood sugar test, laboratory services, ultrasound, optical services, chest X-ray, electrocardiogram o ECG, at cervical screening.
Layunin ng aktibidad na mailapit sa mamamayan ang mahahalagang serbisyong medikal at mabigyan ng agarang tulong ang mga Quezonian lalo na sa usaping pangkalusugan.
Bukod sa serbisyong medikal, nagsagawa rin ng pamamahagi ng agricultural inputs ang Office of the Provincial Agriculturist sa pamumuno ni Dr. Ana Clarissa Mariano para sa mga magsasaka, magniniyog, at mangingisda mula sa iba’t ibang samahan sa Macalelon.
Sa ilalim ng inisyatiba ni Governor Tan, namahagi ang pamahalaang panlalawigan ng vegetable seeds, foliar fertilizer, fungicide, herbicide, urea, complete fertilizer, knapsack sprayers, grasscutter, plastic drum, solar pump irrigation system, upland palay seeds, soil ameliorants, ammonium sulphate para sa mga magniniyog, at bottom set gill nets #4 at #7 para sa mga mangingisda.
Ayon sa pamahalaang panlalawigan, layunin ng mga ipinamahaging kagamitan at agricultural inputs na masuportahan ang kabuhayan ng mga benepisyaryo at makatulong sa pagpapalago ng kanilang produksyon at hanapbuhay.
Samantala, dinaluhan din ni Governor Tan ang groundbreaking ceremony para sa itatayong bagong gusali ng mga silid-aralan sa San Vicente Elementary School at San Nicolas Elementary School sa naturang bayan.
Itatayo sa San Vicente Elementary School ang isang 1-storey, 2-classroom building habang isang 1-storey, 3-classroom building naman ang itatayo sa San Nicolas Elementary School.
Inaasahang makatutulong ang mga bagong gusali upang mapalawak ang mga silid-aralan at makapagbigay ng mas maayos, ligtas, at komportableng kapaligiran para sa pagtuturo at pagkatuto ng mga mag-aaral.
Ayon sa pamahalaang panlalawigan, bahagi ito ng patuloy na pagsisikap na mapabuti ang kalidad ng edukasyon at masuportahan ang kinabukasan ng kabataang Quezonian.
Photos courtesy of the Provincial Government of Quezon
