Mahigit 200 batang may special needs mula sa Metro Manila at iba’t ibang lugar ang kalahok sa isinasagang 10-araw na summer camp ng Pedya Kamp sa bayan ng Infanta.

Ginaganap ang ang naturang aktibidad sa Infanta Central Elementary School na nagsimula noong Mayo 7 at magtatapos sa Mayo 16, 2026 bilang bahagi ng adbokasiya ng organisasyon na isulong ang inclusivity, awareness, at paglinang sa kakayahan ng mga batang may special needs sa pamamagitan ng iba’t ibang educational at recreational activities.

Ayon kay Dr. Art Libao, Founding President ng Pedya Kamp na layon ng organisasyon na mapalawak ang kamalayan ng komunidad hinggil sa pangangailangan at kakayahan ng mga batang may special needs, kasabay ng pagsusulong ng mas malawak na pagtanggap at suporta mula sa lipunan.

Mahalaga aniya ang mga programang tulad ng Pedya Kamp upang mabigyan ng ligtas at suportadong kapaligiran ang mga batang may special needs kung saan maaari silang matuto, makisalamuha, at malinang ang kanilang kakayahan.

“Ang layunin namin dito ay para mag-create ng awareness, kasi karamihan sa ating mga community naniniwala pa rin na mga batang ito ay walang kakayanan. So we want to have that kind of awareness, hangga’t maaari gusto namin sila mabigyan ng equal opportunities,” pahayag ni Libao.

Kabilang sa mga aktibidad sa kampo ang pagpapalakas ng motor, social, at communication skills ng mga bata, gayundin ang confidence-building at pakikipag-interaksyon sa kapwa.

Suportado ang programa ng mga psychologist, occupational therapist, nurse, medical professional, at volunteers mula sa iba’t ibang sektor na nagkakaisa para sa child development at volunteerism.

Bago ang pormal na pagbubukas ng kampo, nagsagawa rin ng volunteer training mula Mayo 1 hanggang 3 upang ihanda ang mga lokal na volunteer sa wastong paghawak at pakikisalamuha sa mga batang may special needs. Kabilang sa mga volunteer ang mga college student, propesyonal, at kabataan mula sa Infanta, kabilang ang ilang senior high school students na may pahintulot ng magulang.

Nagpasalamat naman ang Pedya Kamp sa lokal na pamahalaan ng Infanta sa pamumuno ni Mayor L.A. Ruanto at sa lokal na simbahan para sa suporta at kooperasyon sa proyekto.

Mainit na sinalubong ng bayan ang mga kalahok at volunteer sa pamamagitan ng entertainment activities tulad ng anime mascot performances para sa mga bata at kanilang pamilya. Naghain din ng mga lokal na delicacy ng Infanta habang pinakain ng lokal na pamahalaan ang mga staff at volunteer, kabilang ang lechon feast na handog ng alkalde.

Hinimok naman ni Mayor Ruanto na matagal ng volunteer sa Pedya Kamp, ang publiko na magbigay ng cash o in-kind donations upang makatulong sa pagpapatuloy ng mga pangangailangan at aktibidad.

“Kaya ako po ay humihiling ng suporta, unawa’t pagmamahal sa ating mga kababayan, hindi lamang po sa Infanta maging sa mga karatig-bayan. Pwede po kayong maki-join,” ani Ruanto.

Ang Pedya Kamp ay itinatag noong 1991 ni Dr. Art C. Libao at sa kasalukuyan ay nasa ika-36 taon na ito sa pagsasagawa ng outreach camps at advocacy programs sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Nakarating na rin ito sa halos 30 lalawigan mula Aparri at Cagayan hanggang Davao at General Santos City.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved