Nakiisa ang House Committee on Agriculture and Food na pinamumunuan ni 1st District Congressman Mark Enverga sa ginanap na pulong ng Ad Hoc Committee on Legislative Energy Action and Development (LEAD) upang talakayin ang panukalang batas na naglalayong tugunan ang epekto ng krisis sa enerhiya sa ekonomiya at seguridad sa pagkain ng bansa.

Sentro ng pagdinig ang panukalang “KALINGA Program,” isang komprehensibong emergency response framework na layong mapagaan ang epekto ng fuel-driven inflation, tiyakin ang sapat na suplay ng enerhiya at mga pangunahing bilihin, at magbigay ng target at panandaliang tulong sa mga sektor na higit na apektado ng pagtaas ng presyo ng langis.

Ayon kay Cong. Enverga, magkaugnay ang krisis sa enerhiya at seguridad sa pagkain, dahil direktang naaapektuhan ng pagtaas ng presyo ng krudo ang gastos sa produksyon, transportasyon, at presyo ng pagkain. Dahil dito, higit na nararamdaman ang epekto nito ng mga magsasaka at karaniwang mamamayan.

Suportado ang panukalang KALINGA nina Speaker Bojie Dy at Majority Leader Sandro Marcos, na naglalayong magpatupad ng agarang hakbang upang mapatatag ang suplay ng langis at pagkain, at maprotektahan ang kabuhayan ng mga Pilipino laban sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Binigyang-diin din sa pagdinig ang kahalagahan ng pagbibigay ng sapat na suporta sa sektor ng agrikultura upang mapanatili ang food security ng bansa.

Sa gitna ng umiiral na krisis, iginiit ng mga lider ng Kamara ang pagpapatibay ng mga polisiyang magpapalakas sa produksyon ng pagkain at magpapagaan sa pasanin ng bawat pamilyang Pilipino.

Patuloy namang inaasahan ang masusing pagtalakay sa panukala upang matiyak ang agarang pagpapatupad ng mga solusyong magbibigay ginhawa sa mamamayan sa harap ng tumitinding hamon sa ekonomiya.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved