Umabot sa 4,037 mamamayan ang naging benepisaryo ng isinagawang “Kalinga sa Mamamayan, Libreng Gamutan” ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon sa bayan ng Unisan noong Mayo 8, bilang bahagi ng patuloy na paghahatid ng serbisyong pangkalusugan sa inisyatiba ni Governor Doktora Helen Tan.
Kasama ni Gov. Tan sa programa sina Vice Governor Third Alcala, 3rd District Representative Cong. Reynan Arrogancia, ilang miyembro ng Sangguniang Panlalawigan, at mga opisyal ng lokal na pamahalaan na sama-samang naghatid ng serbisyong may malasakit para sa mga mamamayan.
Kabilang sa mga serbisyong medikal na ipinagkaloob ay medical consultation, libreng gamot, dental extraction, dermatology services, circumcision, minor surgery, fasting blood sugar test, laboratory services, ultrasound, optical services, chest X-ray, electrocardiogram (ECG), cervical screening, at iba pa.
Bukod sa libreng gamutan, naghatid din ng tulong pinansyal ang Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) sa ilalim ng programang “STAN Kalinga sa Mamamayan, Tulong Pinansyal” para sa mga kwalipikadong benepisyaryo.
Nakiisa rin ang Office of the Provincial Veterinarian (ProVet) sa pagbibigay ng libreng serbisyong beterinaryo gaya ng konsultasyon, spay at castration, at pagbabakuna para sa mga alagang hayop.
Ayon sa pamahalaang panlalawigan, layunin ng programa na maabot ang mga komunidad na higit na nangangailangan ng agarang atensyong medikal, lalo na sa mga malalayong lugar, bilang bahagi ng patuloy na pagtutok sa kalusugan at kapakanan ng bawat Quezonian.
Samantala, isang mahalagang yugto rin para sa bayan ng Unisan ang isinagawang groundbreaking ceremony para sa Quezon Provincial Hospital Network – Unisan sa Brgy. Muliguin.
Naging makahulugan ang proyekto dahil ang lupang pagtatayuan ng ospital ay ipinagkaloob bilang donasyon ng pamilya nina Provincial Assessor Officer Atty. Melojean Puache. Kinilala rin ang naging tulong ni Cong. Reynan Arrogancia at Senator Grace Poe sa paglalakad ng paunang pondo para sa ospital.
Ayon sa pamahalaang panlalawigan, ang pagtatayo ng naturang ospital ay simbolo ng patuloy na pagtugon sa pangangailangan ng mamamayan para sa mas maayos, accessible, at dekalidad na serbisyong medikal sa lalawigan.
Hindi lamang serbisyong pangkalusugan ang inihatid sa Unisan dahil nagkaloob din ang Pamahalaang Panlalawigan ng suporta para sa sektor ng agrikultura at pangingisda sa pakikipagtulungan ng Office of the Provincial Agriculturist sa pamumuno ni Dr. Ana Clarissa Mariano.
Ipinamahagi sa mga magsasaka, magniniyog, at mangingisda mula sa iba’t ibang samahan sa bayan ang vegetable seeds, foliar fertilizer, fungicide, herbicide, urea, complete fertilizer, knapsack sprayer, grass cutter, plastic drum, solar pump irrigation system, upland palay, at soil ameliorants.
Tumanggap naman ng ammonium sulphate ang mga magniniyog habang ipinamahagi sa mga mangingisda ang bottom set gill net #4 at #7 bilang suporta sa kanilang kabuhayan.
Sa pamamagitan ng mga programang ito, patuloy umanong pinagtitibay ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon ang layunin nitong maiangat ang kabuhayan ng mamamayan at masuportahan ang mahahalagang sektor na katuwang sa pag-unlad ng lalawigan.
Photos Courtesy of: Doktora Helen Tan
