Pormal nang inilunsad kahapon, Mayo 12 ang “Community Exposure in Quezon Province” para sa mga mag-aaral ng Mapúa School of Medicine sa pakikipagtulungan ng Quezon Provincial Health Office, na ginanap sa Old Capitol Building sa Lucena City.
Layunin ng dalawang araw na programa na palawakin ang kaalaman at karanasan ng mga future doctors sa larangan ng community health care at serbisyong medikal sa pamamagitan ng lectures, exposure activities, at hands-on learning sa iba’t ibang health facilities sa lalawigan.
Kabilang sa mga pasilidad na binisita ng mga estudyante ang Quezon Provincial Health Office, Quezon Provincial Hospital Network – Quezon Medical Center, at Lucban Primary Care Facility.
Personal ding nagbigay ng mensahe si Helen Tan kung saan binigyang-diin niya ang patuloy na pagsusulong ng pamahalaang panlalawigan sa serbisyong pangkalusugan, libreng edukasyon para sa mga nais maging doktor, at pagbibigay ng oportunidad sa mga kabataang medical professionals na matuto mula sa aktwal na sitwasyon ng healthcare system sa Quezon.
Katuwang din sa nasabing programa ang iba’t ibang municipal at city health offices at health facilities sa lalawigan upang maging mas makabuluhan ang community exposure ng mga mag-aaral mula sa Mapúa.
Photos courtesy of the Provincial Government of Quezon
