Iniharap ni 4th District Congressman Atorni Mike Tan sa Committee on Health ang House Bill No. 1387 na naglalayong palakasin ang eHealth system ng bansa sa pamamagitan ng paggamit ng makabagong teknolohiya upang mapabilis at mapalawak ang serbisyong pangkalusugan para sa mga Pilipino.
Ayon kay Cong. Tan, mahalagang maisulong ang digital transformation sa sektor ng kalusugan upang maging mas episyente, mabilis, at accessible ang healthcare services lalo na para sa mga mamamayan sa malalayong lugar at mga nangangailangan ng agarang medikal na atensyon.
Layunin ng panukala na mapahusay ang paggamit ng information and communications technology (ICT) sa healthcare system, kabilang ang mas maayos na pag-access sa health records, pagpapabilis ng konsultasyon at serbisyong medikal, at pagpapalawak ng koordinasyon sa pagitan ng mga health facilities at ahensya ng gobyerno.
Naniniwala rin ang kongresista na sa pamamagitan ng eHealth system ay mas mapapalapit sa publiko ang dekalidad na serbisyong pangkalusugan at mas mapapalakas ang pagtugon ng pamahalaan sa mga hamong pangkalusugan sa bansa.
Patuloy namang isinusulong ni Cong. Tan ang mga programang nakatuon sa kalusugan, digital innovation, at kapakanan ng mamamayang Pilipino bilang bahagi ng kanyang legislative agenda sa Kongreso.
