Nagsagawa ng Special Program for Employment of Students (SPES) Orientation at Life Skills Training ang Provincial Employment Service Office (PESO) ng lalawigan katuwang ang Department of Labor and Employment Quezon Provincial Office noong Mayo 18 upang matulungan ang mga estudyanteng nahaharap sa suliraning pinansyal habang nagpapatuloy sa kanilang pag-aaral.
Aabot sa 100 estudyante mula sa iba’t ibang bayan sa lalawigan ang makikinabang sa programa at magsisilbing SPES workers sa loob ng 20 araw.
Layunin ng SPES na mabigyan ng pansamantalang trabaho ang mga mahihirap ngunit karapat-dapat na estudyante at out-of-school youth upang makatulong sa kanilang gastusin sa pag-aaral habang nagkakaroon ng karanasan sa trabaho.
Ayon kay PESO Manager Genecille P. Aguirre, ipinaliwanag sa orientation ang mga alituntunin at layunin ng programa, kabilang ang mga responsibilidad ng mga benepisyaryo habang sila ay naka-deploy sa kani-kanilang tanggapan.
Nagpasalamat din siya kay Governor Doktora Helen Tan dahil sa patuloy nitong suporta sa mga programang nagbibigay ng oportunidad sa mas maraming kabataang makapagpatuloy sa pag-aaral.
Tinalakay naman ni PGAD Head Atty. Generson Paul H. Mercado ang kahalagahan ng Safe Spaces Act at Data Privacy upang maging gabay ng mga estudyante sa kanilang magiging trabaho.
Nagbigay naman si Kenneth Ladlad ng orientation hinggil sa in-house YEP guidelines, habang nagpaalala ang Provincial Government Environment and Natural Resources Office (PGENRO) tungkol sa wastong pagtatapon ng basura sa loob at labas ng kapitolyo.
Kasabay nito, nagsagawa rin ang PESO ng Life Skills Training na nakatuon sa pagpapalawak ng kaalaman, disiplina, at kakayahan ng mga kalahok bilang paghahanda sa kanilang pagpasok sa mundo ng trabaho.
Ayon sa DOLE, nakatutulong ang SPES hindi lamang sa pinansyal na pangangailangan ng mga estudyante kundi maging sa paghubog ng kanilang kasanayan at karanasan para sa kanilang kinabukasan.
