Opisyal nang sinimulan nitong Miyerkules, Mayo 20, ang orientation para sa Sustainable Livelihood Program (SLP) na nilahukan ng iba’t ibang asosasyon mula sa lalawigan ng Quezon bilang bahagi ng pagpapalakas ng kabuhayan ng mga mamamayan.
Layunin ng naturang orientation na mabigyang kaalaman ang mga asosasyon hinggil sa programa at mapakinggan ang kanilang mga pangangailangan, plano, at mga oportunidad na maaaring mapakinabangan sa ilalim ng SLP.
Sa ilalim ng programa, target na matulungan ang 25 grupo na binubuo ng tinatayang 500 indibidwal. Inaasahan namang magkakaloob ng kabuuang P15 milyong pondo o P600,000 bawat grupo bilang suporta sa kanilang napiling kabuhayan at pangkabuhayang proyekto.
Dinaluhan ang aktibidad ni PDO III Lawrence Joseph L. Velasco mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon kasama ang mga kinatawan mula sa Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), Department of Social Welfare and Development (DSWD) Quezon, Office of the Provincial Veterinarian, at Office of the Provincial Agriculturist.
Ayon sa mga opisyal, bahagi ito ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaang panlalawigan sa pangunguna ni Governor Doktora Helen Tan upang mapalakas ang implementasyon ng Sustainable Livelihood Program at makapagbigay ng mas maraming oportunidad sa kabuhayan para sa mga samahan at komunidad sa lalawigan.
