Makalipas ang halos apat (4) na taon, sinimulan na nitong Mayo 21 ang paglalagay ng mga girder bilang bahagi ng nagpapatuloy na konstruksyon ng Lopez Viaduct sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Brgy. Canda Ilaya sa bayan ng Lopez.
Ang proyekto ay inaasahang magiging mahalagang solusyon sa matagal nang suliranin ng pagbaha sa naturang lugar na madalas nagdudulot ng matinding trapiko at panganib sa mga motorista.
Ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH), ipinag-utos ni Secretary Vince Dizon ang pagpapabilis sa implementasyon ng proyekto alinsunod sa direktiba ni Ferdinand Marcos Jr. na agarang tapusin ang mga kasalukuyang infrastructure projects sa bansa. Bahagi ito ng mas malawak na rehabilitasyon ng Maharlika Highway na layuning mapabuti ang daloy ng transportasyon at mapalakas ang konektibidad sa Southern Luzon at Bicol Region.
Matatandaang personal ding ininspeksyon ni Secretary Dizon noong Enero ang Lopez Viaduct project kung saan tiniyak niya ang agarang pagsasaayos at pagpapatuloy ng konstruksyon matapos makatanggap ng mga reklamo hinggil sa matagal nang problema sa kalsada at pagbaha sa lugar.
Sa oras na matapos, inaasahang magbibigay ang Lopez Viaduct ng mas ligtas, mabilis, at tuloy-tuloy na biyahe para sa libo-libong motorista at biyaherong dumaraan sa Maharlika Highway araw-araw, lalo na tuwing masamang panahon at panahon ng malalakas na pag-ulan.
