Pormal na nilagdaan nitong Martes, Hunyo 2, ang Memorandum of Agreement (MOA) para sa pagpapatupad ng Presiding with Integrity and Legislative Leadership Action Reform (PILLAR) Program sa pagitan ng Vice Mayors’ League of the Philippines (VMLP) – Quezon Chapter at ng Ateneo School of Government ng Ateneo de Manila University.
Layunin ng programa na higit pang mapahusay ang kakayahan ng mga bise alkalde bilang mga presiding officer at mambabatas sa kanilang mga lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng makabago at de-kalidad na executive education program.
Pinangunahan ni VMLP Quezon President at Pitogo Vice Mayor Paul Villaflor ang nasabing kasunduan kasama ang mga opisyal ng Ateneo School of Government.
Sa isinagawang programa, nagpalitan ng pananaw ang magkabilang panig hinggil sa epektibong pagpapatupad ng programa upang matiyak na magiging kapaki-pakinabang ito sa mga lokal na opisyal.
Ayon kay Villaflor, isang malaking karangalan para sa lalawigan ng Quezon ang pagiging kauna-unahang VMLP chapter sa bansa na magkakaroon ng ganitong uri ng pakikipagtulungan sa Ateneo School of Government.
Ang PILLAR Program ay isang Executive Education initiative na binuo ng VMLP Quezon sa pamumuno ni Villaflor at ipatutupad ng Ateneo School of Government. Nakatuon ito sa pagpapalawak ng kaalaman ng mga vice mayor sa larangan ng pamumuno, paggawa ng ordinansa, paggamit ng teknolohiya, at pakikipag-ugnayan sa publiko.
Kabilang sa apat na pangunahing module ng programa ang Smart Legislation: AI for Local Government, Presiding with Excellence, The Vice Mayor’s Role, at Connecting with the Public. Inaasahang makukumpleto ang buong programa sa loob ng dalawang taon.
Binigyang-diin ni Villaflor na nilikha ang programa upang makabuo ng mas mahusay, moderno, progresibo, at may integridad na mga pinuno sa lokal na pamahalaan.
Pinasalamatan din niya ang mga miyembro ng VMLP Quezon at mga opisyal ng Ateneo School of Government sa kanilang suporta at pakikiisa. Umaasa rin siyang magbubukas ang PILLAR Program ng mas maraming oportunidad para sa patuloy na pag-unlad ng mga vice mayor at sa mas mahusay na paglilingkod sa mamamayan ng Quezon.
Photos Courtesy of JR Narit
