Patuloy na pinalalakas ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon ang mga programang pangkalusugan sa mga komunidad sa pamamagitan ng programang “Kalinga sa Mamamayan, Libreng Gamot at Nutrisyon para sa Barangay” na isinagawa noong Hunyo 2 sa pangunguna nina Governor Doktora Helen Tan at Vice Governor Third Alcala.

Layunin ng programa na mailapit ang serbisyong pangkalusugan sa mga mamamayan sa bawat barangay ng mga bayan ng Gumaca at Plaridel, lalo na sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga pangunahing gamot para sa mga residente.

Dinaluhan ng mga Punong Barangay mula sa dalawang bayan ang aktibidad kung saan kanilang tinanggap ang mga gamot na nagkakahalaga ng mahigit ₱50,000.

Kabilang sa mga ipinamahaging medisina ang mga kinakailangang gamot para sa mga bata at matatanda bilang bahagi ng taunang programang pangkalusugan ng lalawigan.

Ayon kay Governor Tan, mahalagang matiyak na nagagamit nang wasto ang pondo ng pamahalaan upang higit na mapakinabangan ng mamamayan. “Yung kakaunti nating pondo nagamit natin ng maayos,” ani ng gobernador.

Ayon sa Pamahalaang Panlalawigan, ang inisyatiba ay nakatuon sa pagpapalawak ng akses ng mga residente sa pangunahing serbisyong medikal at pagpapalakas ng mga programang pangkalusugan sa antas ng barangay.

Sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na pamamahagi ng mga gamot at suporta sa mga lokal na health worker, inaasahang mas mapapangalagaan ang kalusugan at kapakanan ng mga Quezonian, lalo na sa mga komunidad na nangangailangan ng agarang serbisyong medikal.

Photos courtesy of the Provincial Government of Quezon

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved