Isinusulong ni 4th District Representative Atorni Mike Tan ang House Bill No. 5177 na naglalayong magtatag ng mga sangay ng mga pangunahing specialty hospital sa bawat rehiyon ng bansa upang mas mapalapit ang de-kalidad na serbisyong pangkalusugan sa mga Pilipino.
Sa ilalim ng panukala, magkakaroon ng mga regional branches ng Philippine Heart Center, National Kidney and Transplant Institute, Lung Center of the Philippines, at Philippine Children’s Medical Center, na kasalukuyang matatagpuan lamang sa Metro Manila.
Ayon kay Tan, marami pa ring pasyente mula sa mga lalawigan ang nahihirapang makakuha ng espesyalisadong serbisyong medikal dahil sa malayong lokasyon ng mga specialty hospital.
Aniya, nagdudulot ito ng dagdag na gastusin at hirap sa mga pasyente at kanilang mga pamilya, lalo na sa mga nangangailangan ng agarang paggamot.
Binigyang-diin ng mambabatas na ang panukala ay naaayon sa layunin ng Universal Health Care Act at ng Saligang Batas na tiyaking may pantay na akses ang lahat ng mamamayan sa de-kalidad na serbisyong pangkalusugan.
Layunin din ng House Bill No. 5177 na suportahan ang Philippine Health Facility Development Plan 2020–2040 sa pamamagitan ng pagpapalawak ng access sa specialized healthcare services sa mga probinsiya.
Sa oras na maisabatas, inaasahang mababawasan ang geographic at pinansiyal na hadlang sa pagpapagamot at hindi na kinakailangang bumiyahe pa sa Maynila ang mga pasyente upang makakuha ng kritikal na serbisyong medikal.
Para kay Tan, ang pagpapalapit ng specialty hospitals sa mga rehiyon ay mahalagang hakbang upang mapangalagaan ang kalusugan, dignidad, at kaligtasan ng bawat Pilipino.
